Sugatan ang isang construction worker makaraang tagain ng kanyang kasamahan nang tumangging patulan ang hamon nitong away sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Agad isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Frederick Rogero, ng Barangay Burgos, Montalban, Rizal, dahil sa tinamong taga sa kamay at katawan.

Samantala, mabilis na tumakas ang suspek na kinilalang si William Macabintang.

Sa imbestigasyon ni PO3 Geford Neil Gramaje, ng Manila Police District (MPD)- Station 3, dakong 1:45 ng madaling araw nangyari ang pananaga sa loob ng kanilang barracks na matatagpuan sa ginagawang gusali sa Batangas Street, kanto ng Ipil Street sa Sta. Cruz.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Nauna rito, natutulog na ang biktima sa loob ng kanilang barracks nang dumating ang suspek na lasing na lasing.

Ginising umano ng suspek ang biktima at saka hinamon ng away na tinanggihan naman ng biktima ngunit nauwi rin sa argumento.

Dito na umano kumuha ng jungle bolo ang suspek at pinagtataga ang biktima. (Mary Ann Santiago)