KAPAG si Sen. Grace Poe ang nahalal na pangulo sa Mayo 9, siya ang kauna-unahang pulot (foundling) na Punong Ehekutibo ng ating bansa. Kapag si Hillary Clinton naman ang naging presidente ng United States (US), siya ang kauna-unahang babae na hahawak ng pinakamataas na posisyon sa nag-iisang superpower sa mundo.
Dalawang babaeng pangulo sa 2016— ang isa ay mula sa Pilipinas at ang isa pa ay mula sa America. Anyway, International Women’s Day naman noong isang linggo. Pagbigyan ang kababaihan at baka tumino ang sitwasyon sa daigdig na binabagabag ng karahasan, patayan, bombahan, at pagsulpot ng mala-demonyong ISIS.
Nitong Miyerkules, nagbaba ng tinatawag na “landmark ruling” ang Supreme Court (SC) na puwede nang tumakbo sa pagkapangulo si Pulot. Binaligtad ng SC ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdidiskuwalipika sa kanya dahil sa isyu ng citizenship at residency. Ang botohan ay 9-6, pabor kay Amazing Grace.
Ganito ang naging botohan: Ang 9 na mahistrado na pumabor kay Poe ay sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, at Associate Justices Marvic Leonen, Presbitero Velasco Jr., Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Jose Perez, Jose Mendoza, Francis Jardeleza at Alfredo Benjamin Caguioa.
At ang anim na mahistradong kumontra sa kandidatura ni Poe ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, at Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Antonio Brion, Mariano del Castillo, Estela Perlas-Bernabe at Bienvenido Reyes.
Karamihan sa mga bumotong pabor kay Poe ay appointees ni President Aquino. Samakatuwid, talagang malaya ang mga mahistrado at hindi diniktahan ng binatang Pangulo upang madiskuwalipika si Pulot. May mga usap-usapan pang ilang grupo ang lumapit at nag-alok ng tig-P50 milyon sa ilang mahistrado upang bumoto laban kay Poe.
Nakapagtataka ang reaksiyon ni President Aquino tungkol sa DQ case ni Sen. Grace. Sa talumpati sa Batangas City noong Huwebes, nais niyang magpaliwanag ang SC tungkol sa citizenship laws matapos nitong paboran si Amazing Grace. Sabi nga ng isang Ingleserong kaibigan na naligaw sa kapihan: “Is PNoy hallucinating? Why ask the SC re Sen. Grace Poe DQ case when all along he rabidly pursued her to be the VP of Mar Roxas in 2016 election?”
Bulong ni Tata Berto sa akin: “Tagal niyang niligawan si Grace para maging partner ni Mar. ‘Di ba niya binack-ground check kung dayuhan o Pinay ang nais niyang VP bet ni Mar.”
“Ewan ko,” tugon ko, “hindi yata nag-iisip!” (Bert de Guzman)