Makasalo ng defending women’s champion College of St.Benilde sa pamuno ang pag-aagawan ng San Sebastian College at San Beda sa kanilang pagtutuos ngayong umaga sa tampok na laro ngayon sa NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Ganap na 11:00 ng umaga magsasagupa ang Lady Stags at Red Lionesses matapos ang bakbakan sa pagitan ng kanilang juniors squads ganap na 8:00 ng umaga at men’s team sa 9:30 ng umaga.
Kasalukuyang magkatabla sa ikalawang posisyon ang Lady Stags at Red Lionesses hawak ang barahang 3-0, isang panalo ang pagkakaiwan sa nangungunang Lady Blazers (4-0).
Mas mataas na level ng laro ang gustong makita ni coach Roger Gorayeb sa kanyang mga players sa pamumuno ni reigning MVP Grethcel Soltones at mga kapwa V League veterans na sina Joyce Sta.Rita at Kat Villegas.
“Kung gusto nilang mag champion, which I firmly believed na kaya nilang gawin dapat ‘yun na ang goal nila at mindset everytime sasabak sila sa laro,” ani Gorayeb.
Magtatangka naman ang Red Lions na pumatas sa second spot ng men’s division kasalo ng Blazers (3-1) sa likod ng di pa natatalong Arellano University Chiefs (3-0) sa paghaharap nila ng Stags na hangad dugtungan ang unang panalong naitala kontra Letran matapos ang dalawang kabiguan. (Marivic Awitan)