MUKHANG hindi mapaghihilom ng panahon ang pagkasuklam at galit ng mga Pilipino, lalo na ng mga pamilya ng mga biktima ng martial law, sa kasalanan, pagpatay at kalapastanganan ng rehimeng Marcos na sumupil sa demokrasya at kalayaan ng pamamahayag sa loob ng maraming taon. Pinayagan ni President Rodrigo Roa Duterte ang pagpapalibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa paniniwalang mapaghihilom ang sugat ng kahapon at muling magkakaisa ang mga Pinoy.
Katwiran ni Mano Digong, kuwalipikado si Marcos sa LNMB dahil siya’y isang dating sundalo at presidente.
Labis ang pagtutol ng anti-Marcos groups laban sa FM burial, pero maging ang Supreme Court (SC) ay pumayag na ihimlay si Apo Macoy sa LNMB. Binigyan ng SC ng 15 araw ang mga kontra rito para maghain ng motion for reconsideration (MR).
Nagawang mailibing ang labi ni FM sa pamamagitan ng bigla, mabilis at sekretong paghahatid sa kanya mula sa Ilocos Norte, lulan sa helicopter ng Marcos Family, kahit ‘di pa tapos ang 15 araw.
Sa tulong ng mga pinuno at tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), naging matagumpay ang paglilibing. Kinondena ito ng nasorpresang taumbayan, kabilang si VP Leni Robredo at mga kritiko, na naglarawan sa bigla, mabilis at patagong paglilibing na parang “Thief of the Night” o Magnanakaw sa Gabi.
Sa Facebook, may nagsulat na maging sa kamatayan ay naisahan sila ni FM tulad ng pagdedeklara nito ng martial law noong 1972.
Nagsagawa ng mga rally at demonstrasyon ang iba’t ibang grupo, kabilang ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad. Nagsagawa pa ng Oblation Run ang mga estudyante bilang protesta sa FM burial kahit alam nilang ang kanilang “mga pag-aari” ay maliliit at urong sa gitna ng sigawan ng excited na kababaihan.
Nagdaos ng malawakang rally sa Luneta, People Power Monument, atbp., sa tinawag nilang Black Friday Protest. May lumutang pang baka raw magkaroon ng kudeta kung kaya’t iniutos ni President Rody sa AFP at PNP na manatili sa kanilang barracks.
Dapat tandaan ng mga mamamayan, AFP at PNP na malakas at maimpluwensiya ang mga estudyante. Sa Indonesia na pinagharian noon ni President Suharto, napabagsak nila ito sa kapangyarihan na nanatili sa poder sa loob ng 31 taon.
Si Suharto ang ikalawang pangulo ng Indonesia matapos mapatalsik si Pres. Sukarno. Naitumba ng student power, kasama ang iba pang grupo, si Suharto na sawang-sawa at dismayado na sa kanyang pamumuno.
May alitan ngayon ang dalawang kapulungan ng Kongreso—Senado at Kamara— dahil sa kaso ni Sen. Leila de Lima. Nais ng House committee on justice na i-cite ng contempt of court at obstruction of justice si De Lima dahil sa payo sa kanyang driver-bodyguard-lover na huwag dumalo sa pagdinig ng Kamara dahil “pagpipiyestahan” lang sila roon.
Nais ng komite na paharapin si Ronnie Dayan upang tanungin tungkol sa role niya sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) bilang bag man at collector ni Sen. Leila ng pera mula sa mga drug lord/prisoner sa NBP. Gusto ng mga kongresista na parusahan si De Lima at kung maaari ay patalsikin sa puwesto.
Nanindigan si Senate Pres. Koko Pimentel at mga senador na hindi sila dapat diktahan ng Kamara kung ano ang dapat gawin kay De Lima. Ayon kay Pimentel, ang pagnanais ng Kamara na paharapin ang senadora sa pagdinig nito ay maliwanag na paglabag sa tinatawag ng inter-parliamentary courtesy. Maghintay tayo sa bakbakang Senado versus Kamara.
(Bert de Guzman)