Limang drug personality ang magkakasunod na pinatay ng mga ‘di pa nakikilalang salarin sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila, sa loob lamang ng pitong oras.

Sa ulat na natanggap ni Eastern Police District (EPD) director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, unang pinatay si Wenceslaso Sierra, 44, ng Quieta Street, Barangay Bagong Silang, Mandaluyong City, dakong 4:00 ng hapon nitong Lunes.

Nakatayo umano sa harapan ng kanilang bahay si Sierra nang pagbabarilin ng apat na lalaking magkakaangkas sa dalawang motorsiklo.

Ayon naman kay Marikina City Police chief, Police Sr. Supt. Lorenzo Holanday, Jr., dakong 8:45 ng gabi nang mapatay ang suspek na si Arthur Andres, 50, habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanyang bahay sa JP Rizal St., sa Barangay Malanday.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Puwersahan umanong pinasok ng mga suspek ang bahay ng biktima at saka ito pinaulanan ng bala at nang matiyak na patay na ang biktima ay saka tumakas.

Dakong 8:55 naman ng gabi nang pagbabarilin ng mga ‘di pa nakikilalang lalaki si Christopher Gonzaga, nasa hustong gulang, habang naglalakad pauwi sa Camia St., sa Minahan, Bgy. Malanday.

Ayon kay Holanday, sina Andres at Gonzaga ay kapwa sumuko sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ng Marikina Police ngunit ipinagpatuloy pa rin ang kanilang ilegal na gawain.

Sa Pasig City, pinatay ng apat na motorcycle riding suspect si Albert Sidayon, 44, ng 282 P. Bernal St., sa Barangay Ugong at kilala umanong drug user, dakong 9:05 ng gabi.

Makalipas lamang ang tatlong oras, pinatay naman ng mga ‘di pa nakikilalang suspek si John John Tria, 33.

Kinumpirma ni Sapitula ang imbestigasyon sa mga nasabing insidente. (Mary Ann Santiago)