Dalawang mosyon ang isinampa kahapon para isaalang-alang ang desisyon ng Supreme Court (SC) noong Nobyembre 8 na nagpapahintulot sa paghihimlay sa labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Ang mga mosyon ay isinampa ng mga biktima ng desaparecidos at paglabag sa mga karapatang pantao na kinakatawan nina Albay Rep. Edcel Lagman at dating Bayan Muna Party-list Rep. Saturnino Ocampo, ayon sa pagkakasunod.
Sinasabi ng mga grupo na hindi naging “moot and academic” ang kanilang mga mosyon sa paglilibing kay Marcos nitong Nobyembre 18.
Hinihiling ng grupo ni Lagman ang paghukay sa labi ni Marcos at ang pagsasagawa ng forensic examination upang matukoy kung ano talaga ang inilibing sa LNMB.
Sa 9-5 na boto na may isang abstention, pinahintulutan ng SC ang Marcos burial sa LNMB. Sampung araw pagkaraang mailabas ang desisyon ng SC na tumapos sa status quo ante order (SQAO) laban sa paglilibing, ang mga labi ni Marcos ay inihimlay sa LNMB.
Pitong petisyon laban sa paglilibing, kabilang na ang mga isinampa ng mga grupo nina Lagman at Ocampo, ang dinismis ng SC.
Nauna nang humiling ng re-issuance ng SQAO si Lagman, samantalang nakiusap naman si Ocampo na i-contempt ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pumayag sa paglilibing.
Ang kanilang paghahayag ay hindi pa naaaksiyunan ng SC.
Ang dalawang motion for reconsideration at ang mga nakaraang pleadings na isinampa sa pitong pinagsama-samang kaso ay inaasahang tatalakayin sa full court session ng SC ngayong Martes. (Rey G. Panaligan)