Sumalo ang San Sebastian College sa defending champion College of St. Benilde sa liderato matapos gapiin ang Letran sa pahirapang limang set, 28-26, 25-14, 24-26, 24-26,15-7 kahapon sa NCAA Season 92 volleyball tournament women’s division sa San Juan Arena.

Sa kabila ng tagumpay, ikatlong sunod ng Lady Stags,hindi ikinatuwa ni coach Roger Gorayeb ang ipinakitang laro ng kanyang mga player.

“It’s a simple case of over confidence, kung gusto naming mag-finals at mag champion hindi dapat per game basis ang kanilang focus. Dapat every game ang mindset namin andito kami dahil gusto naming mag-champion,” pahayag ni Gorayeb.

Nanguna sa Lady Stags sina Gretchel Soltones at Joyce Sta.Rita na kapwa may tig- 15 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nauna rito, nakabasag na rin sa wakas sa win column ang San Sebastian Stags makaraang ungusan ang Letran Knights, 16-25, 25-19, 25-17, 16-25, 15-13 sa seniors division.

Sinamantala ng Stags ang pagiging erratic ng Knights upang maisalba ang panalo.

Dehado sa bilang ng hit, 34-56, bumawi ang Stags sa errors ng kalaban na umabot ng 48 kumpara sa ginawa nilang 30.

Nanguna si Arvy Onque para sa Stags na umangat sa barahang 1-2, sa naitalang 13 puntos.

Nabalewala ang game-high 22 puntos ni Bobby Gatdula dahil bumaba sila sa ikatlong puwesto kasalo ng San Sebastian.

Sa juniors division,umakyat ang Letran Squires sa ikalawang puwesto sa barahang 2-1, matapos talunin ang Staglets (1-2) , 25-12, 25-16, 19-25, 25-21. - Marivic Awitan