Isinailalim sa public storm warning signal (PSWS) No. 2 ang walong lalawigan sa Luzon at Visayas habang 11 pang lugar sa bansa ang apektado ng bagyong ‘Marce’, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Itinaas ang Signal No. 2 sa Romblon, Calamian Group of Islands, Southern Occidental Mindoro at Southern Oriental Mindoro, Iloilo, Capiz, Aklan at Northern Antique.
Ang mga lugar naman ng Northern Palawan, kabilang na ang Cuyo Island, nalalabing bahagi ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro, Negros Occidental, at nalalabing parte ng Antique at Guimaras ay nasa Signal No. 1.
Ayon sa PAGASA, napanatili ng Marce ang lakas nito habang nasa kanlurang baybayin ng hilagang Antique at magdadala pa rin ng malakas na ulan sa nasasaklawan ng 300 kilometrong lawak nito.
Huling namataan ang bagyo sa layong 90 kilometro kanluran-timog-kanluran ng Roxas City, Capiz, dala ang lakas ng hanging nasa 65 kilometer per hour (kph) at bugsong 110 kph, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 22 kph.
Kaugnay nito, inalerto kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residente sa mga lugar na apektado ng bagyo laban sa posibleng baha at pagguho ng lupa.
Pinag-iingat ng NDRRMC ang mga residente sa Bicol Region, Marinduque, Quezon Province at iba pang lugar na sasalantain nito, habang inalerto ang mga lokal na pamahalaan sa mga gagawing hakbangin upang makaiwas sa trahedya.
Handa ring magkaloob ng tulong ang Department of Social Welfare and Development sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Umabot naman sa mahigit 10,000 ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan ng bansa dahil sa Marce.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commander Armand Balilo, may kabuuang 10,259 na pasahero ang stranded sa buong bansa at inaasahang madagdagan pa ito.
Kinansela rin ang mga klase sa paaralan sa mga apektadong lugar.
Kanselado rin ang maraming flight sa Mactan-Cebu International Airport at Ninoy Aquino International Airport (NAIA). (Rommel Tabbad, Jun Fabon, Beth Camia at Argyll Cyrus Geducos)