Ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na muling isailalim sa neuro psychiatric test ang isang pulis na nakisawsaw sa pambu-bully, sa pamamagitan ng Internet, sa isang babae na anti-Marcos protester.
“I will have him investigated. He should show to that he is a gentleman, kind and respectable,” diin ni Dela Rosa.
Sa halip kasing maging tagapamagitan, nanggatong pa umano si PO1 Christian Raizo Plantinos laban sa biktima.
Isa si Plantinos, na ipinakita sa mga netizen na isa siyang pulis sa pamamagitan ng mga litrato sa kanyang Facebook account, sa mga taong nagkagulo sa sinasabing magandang anti-Marcos protester na isa sa mga nag-ingay nang malamang inilibing na si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Naging maselan ang ilang komento ng netizen sa nasabing anti-Marcos protester at isa na rito si Isabuhay Dugongbughaw na ipararanas umano niya sa babae ang martial law sa kama.
Sinabi ni Dela Rosa na walang puwang sa PNP ang mga bastos na pulis.
“Why did he become a policeman? Maybe he did not pass the neuro-psychiatric examination. Why does he have that kind of mindset?” nagtatakang pahayag ni Dela Rosa.
“I will have him subjected to neuro-psychiatric examination again. If he fails, I will be removed in the service,” ayon pa kay Dela Rosa. (FER TABOY at AARON RECUENCO)