NAIIBA ang mga tawag at text message na bumulaga sa akin kamakalawa: “Bakit ayaw mo nang magsulat?” Ang naturang mensahe ay tiyak na nanggaling sa ating mga kapatid sa propesyon – at sa mangilan-ngilan nating mambabasa – na nakapansin sa ilang araw na hindi paglabas ng ating kolum sa pahinang ito.
Kailanman ay hindi ko binalak na tumigil sa pagsusulat hindi lamang ng kolum kundi ng iba pang anyo ng panitikan.
Tulad ng ating mga kapatid sa pamamahayag, ang propesyong ito ay naging bahagi na ng ating buhay. Kahit na ngayong sumapit na ako sa ika-50 taon ng journalism profession, medyo matalim pa rin naman ang ating panulat.
Totoo na kahit na bahagya ko na lamang naaaninag ang mga tipo ng aking century-old typewriter na ginagamit ko hanggang ngayon, nananatili pa rin ang ating pagmamahal sa peryodismo. Dangan nga lamang at kailangan na nating mag-menor, wika nga. Natuklasan ng opthalmologist na ang aking dalawang mata ay may glaucoma at parehong nangangapal sa katarata: kailangan ang operasyon sapagkat ang gawing kaliwa ay maaaring mauwi sa dahan-dahang pagkabulag. Huwag naman sanang mangyari kaagad.
Natitiyak ko na hindi ako nag-iisa sa situwasyong ito. Tulad ng iba nating kapatid sa hanapbuhay, ang nasabing depekto sa mata ay namamana o hereditary. Ang aking ama, halimbawa, ay halos 20 taong total blind bago siya sumakabilang-buhay sa edad na 95; gayundin ang aming kapatid na panganay na mistulang bulag na sa edad na 87.
Totoo, kabilang ako sa mga naging pabaya sa pangangalaga ng aking mga mata. Isipin na sa loob ng mahabang panahon, hindi ko man lamang tinangkang magpasuri sa opthalmologist o kahit na sa optometrist man lamang. Palibhasa’y talagang mahilig sa pagsusulat, malimit na kahit na sibsib na o lubog na ang araw ay humahabi pa rin ng kahit anong anyo ng sulatin.
Hindi pa huli ang lahat upang untagin natin at paalalahanan ang nakababatang henerasyon ng ating pamilya hinggil sa makatuturang pangangalaga sa kanilang mga mata. Ito ang bahagi ... ng ating katawan na mahalaga sa lahat ng propesyon – hindi lamang sa pamamahayag.
Sa kabila ng ganitong kalagayan – kahit na tayo ay dinadalaw na ng Alzheimer’s disease at nag-uulap na ang mga paningin – mananatili ang walang pagkupas nating pagmamahal sa pagsusulat. Hindi pa huli ang ibayong pag-iingat kaakibat ng Kanyang pamamatnubay. (Celo Lagmay)