‘Unliquidated’ funding ng POC, bubusisiin ni Senador Pacquiao.

Pangungunahan ni Senator Manny Pacquiao ang gaganaping public hearing bukas para halukayin ang katotohanan sa likod ng umano’y maanumalyang ‘financial assistance’ na nakuha ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Philippine Sports Commission (PSC) na umabot sa P129 milyon.

Nakasaad din sa agenda ng Senate probe sa pangangasiwa ng Senate Committee on Youth and Sports ang pagpapaliwanag ng POC sa eligibility rules na kanilang ipinapasunod para sa mga opisyal na nagnanais tumakbong lider sa Olympics body.

Nakatakda ang eleksiyon sa POC sa Nobyembre 25.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Yes, we receive the invitation. Mainam na ito para malaman ang katotohanan at hindi masabing alegasyon lamang ang lahat,” pahayag ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

‘We based our testimonies on documents provided by the Commission on Audit (COA),” aniya.

Matatandaang isinapubliko ni PSC Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez ang umaho’y ‘unliquidated’ financial assistance ng POC mula taong 2010 hanggang 2016.

Ayon kay Fernandez, umabot sa P129 milyon ang halaga ng ‘financial assistance’ na nakuha ng POC sa PSC na noo’y pinangangasiwaan ni Richie Garcia, sa kabila ng katotohanan na hindi nararapat na makakuha ng tulong pinansiyal ang Olympic body bilang isang pribadong organisasyon.

“The law is clear. Only the athletes and the accredited nationals sports association (NSAs) should received direct financial assistance from the government. Walang nakalagay sa batas na pati ang POC dapat naming bigyan ng financial assistance,” pahayag ni Fernandez.

“And based on the documents we gathered, humingi ang POC ng pondo, despite the fact na merong subsidy na ibinigay ang Olympic Council of Asia (OCA) for that particular event,” aniya.

Iginiit naman ni POC treasurer Julian Camacho na nakumpleto nila ang hinihinging liquidation requirement ng COA at PSC.

Ngunit, sa hiwalay na desisyon ng COA na may petsang Agosto 16, 2016, ipinag-utos sa POC ang pagbabayad ng P27 milyon sa PSC matapos mabigong maliquidate ang naturang financial assistance na kinuha ng POC, sa pamamagitan ng Philsocs bilang bahagi ng paghahanda sa 2015 Sea Games hosting.

Sa rekomendasyon ni Senador Sonny Angara, nais nilang malaman ang eligibility requiremeng ng POC para sa mga nagnanais na tumakbong opisyal sa POC matapos na idiskuwalipika si boxing president Ricky Vargas dahil sa pagiging ‘inactive’ bunsod ng kabiguan na lumahok sa POC general assembly meeting.

Sa record, ang boxing ang isa sa pinakamatagumpay na asosasyon sa international competition.

Nagkataon, didingin din bukas ang isinampang TRO (Temporary Restraining order) ng kampo ni Vargas para pigilan ang POC election.

Target ni incumbent POC chief Jose ‘Peping’ Cojuangco ng ikaapat na termino bilang POC president.