SAN JOSE, Tarlac – Palaisipan sa mga pulis kung may kinalaman ang ama at kapatid ng isang magsasaka na natagpuang tadtad ng saksak sa loob ng kanyang silid sa Barangay Pao, San Jose, Tarlac, kahapon ng umaga.
Sa report ni PO3 Artham Mablay, pinaniniwalaang may malaking galit ang pumatay kay Mardy Daliva, 36, binata, magsasaka.
Nauna rito, nakikipag-inuman ang biktima sa kapatid na si Sonny Boy Daliva, nasa hustong gulang, at sa iba pang kaanak nang biglang magbanta si Mardy na papatayin niya ang asawa at mga anak ni Sonny.
Makalipas ang ilang saglit ay umalis na si Mardy para matulog sa plaza sa Sitio Carabaoan, kaya naman inihatid siya pauwi ni Marlon Mejia, ng Bantay Bayan, ngunit naging magaspang umano ang pakikiharap ng biktima sa amang si Rodrigo at tinangka pang tagain ng jungle bolo.
Ayon sa report, kinabukasan ay natagpuan si Mardy sa kanyang silid na tadtad ng saksak at wala nang buhay.
Kusa namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mag-amang Rodrigo at Sonny para sa imbestigasyon. (Leandro Alborote)