BOCAUE, Bulacan – Nabigo ang Philippine football team Azkals na samantalahin ang kakulangan sa player ng Singapore – lumaro na may 10 player – matapos mauwi sa scoreless draw ang kanilang duwelo sa Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup Sabado ng gabi sa Philippine Arena football field.
Nasibak si Singaporean Hafiz Sujad nang patawan ng magkasunod na ‘red card’ bunsod nang mapanakit na pambabalya kay Azkals star phil Younghusband. Ngunit, nabigo ang home team na makausad sa kabila ng bentaheng taglay.
“We created a few chances…but that’s not the kind of football that I like to play,” pahayag ni Azkals coach Thomas Dooley.
Nagpamalas ng impresibong laro si rookie Pika Minegishi, ngunit nabigo siya sa dalawang pagtatangka sa goal.
Bunsod nito, nagsosyo ang Filipino booters at Singaporea taglay ang tig-isang puntos sa Group A, sa likod ng defending champion Thailand, nakakuha ng tatlong puntos matapos ang 4-2 panalo sa Indonesia.
Haharapin ng Azkals ang Indons sa Martes, asam na makakuha nang sapat na puntos bago ang pinakahihintay na duwelo sa archrival Thailand sa Biyernes.
Sa pagkawala nina Daisuke Sato at Javier Patino, sumandal ang Azkals sa depensa nina Amani Aguinaldo, Jeffrey Christiaens, Kenshiro Daniels, at Kevin Ingreso.