Inihayag ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakadakip sa tatlong lalaki malapit sa mga nagra-rally sa EDSA People Power Monument makaraang mahulihan ng baril at patalim nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga suspek na sina Joma Santos, alyas “Go”, 28, ng Barangay Commonwealth; Warren Jake Seguan, alyas “Jek-Jek”, 26; at Mark Joseph Nolasco, 18, kapwa taga-Bgy. Batasan Hills Quezon City.
Sinabi ni Eleazar na batay sa mga natanggap niyang report, dinakip ang tatlo ng mga undercover operative ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa ilalim ni Supt. Rodelio B. Marcelo, sa EDSA malapit sa People Power Monument sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sa kasagsagan ng kilos-protesta sa lugar dakong 9:00 ng gabi nitong Biyernes.
Ayon sa report, nagpapatrulya ang CIDU sa lugar kaugnay ng rally roon laban sa biglaang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos nitong Biyernes nang mapansin ng mga pulis ang mga suspek na armado ng baril at patalim habang hinahabol ang isang grupo ng kabataan.
Nakumpiska umano mula sa mga suspek ang isang .22 caliber revolver na may bala, isang balisong at isang Swiss knife.
(Francis T. Wakefield)