ANG ika-20 ng Nobyembre ngayong 2016 sa Simbahang Katoliko ay ang huling Linggo ng Liturgical year na iniuukol sa pagdiriwang ng kapistahan ng Christ the King o Kristong Hari—ang araw na itinakda ng Simbahan bilang paggunita sa kataas-taasang kapangyarihan ni Kristo sa lahat ng nilalang ng Dakilang Diyos.
Sa araw na ito, bahagi ng pagdiriwang ang pagdaraos ng misa sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya sa mga lalawigan, bayan at lungsod. May pag-aalay din ng mga panalangin upang pasalamatan at dakilain si Kristo bilang Hari ng mga Hari, Panginoon ng mga Panginoon, Hari ng pag-ibig, katarungan at kapayapaan. Ang pagdiriwang ay sumasagisag din kay Kristo bilang Hari, Mesiyas at pinaka-makapangyarihang Pinuno na hindi nanlulupig ng mga haring sekular.
Sa aklat ng mga Hebreo, ang Pista ng Kristong Hari ay ang pagsasalarawan ng pagdating ng Messiah o Manunubos. Ang mga propeta rin ang nagsabi na ang magiging hari ay nasa lipi ni David at ang Dakilang Messiah ay siyang maghahari sa sandaigdigan. Makatwiran at maghahatid ng kasiyahan sa lahat ng susunod sa batas ng Panginoon.
Noong unang Milenyo, ang imahe ni Kristo bilang Hari ay kinilala na rin matapos manalig kay Kristo ang mga Emperador Romano. Ang mga Griyego naman ay pinag-ibayo ang pagkilala kay Kristo sa pamamagitan ng artistikong larawan ng imahen ni Kristo na isang “Pantocrator” o tagapag-utos sa buong mundo.
Ang kapistahan ng Kristong Hari ay binigyan ng pagkilala ni Pope Pius Xl noong Disyembre 1, 1925 na may layunin na mahadlangan ang paglaganap ng Ateismo sa daigdig at ang pag-usbong ng mga gobyernong walang kinikilalang Diyos. Sa France, ang Pista ng Kristong Hari ay pagpapakita ng kanilang pagkakaisa laban sa mga anti-Kristo.
Ayon sa kasaysayan, ang bansag na “Hari” ng mga Hudyo na isinulat sa kapirasong placard at isinabit sa itaas ng krus habang si Kristo’y nakapako ay nangangahulugan ng pangungutya. Isang paghamak hindi lamang kay Kristo kundi sa kabuuan ng bansang Hudyo. Sa kabila ng maling layunin, ang taguring “Hari” sa isang taong naghihirap sa pagkakapako sa krus ay karapat-dapat sapagkat si Kristo ay “Hari” na noon hanggang sa ngayon. isinilang Siyang Hari sa lahat ng panahon—ang Bugtong na Anak na walang hanggang Hari ng Sanlibutan. Sa bahagi ng Christmas song na “O Come All Ye Faithful” ay kinilala ring Hari si Kristo. Ganito ang lyrics: “Come and behold Him, born the KING of angel. O come let us adore Him, O Come let us adore Him, O Come let us adore Him, Christ the Lord”
Kung sa ibabaw ng lupa ay nararapat na tawaging hari, bukod sa Diyos Ama, ito ay ang kanyang Anak na naging tao na mas kilala sa tawag na Jesus ng Nazareth. Isang tunay na hari sa pangalan at katotohanan. Ngunit ang Kanyang kaharian ay nasa puso ng mga tao at ng nagmamahal at nagtitiwala sa Kanya ang maaaring kabilang dito. (Clemen Bautista)