Maituturing na saksak sa likod para sa mga biktima ng batas militar, human rights advocate, mga militante at maging ng mga senador at kongresista ang nakagugulat na pasekretong paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City kahapon ng tanghali, 10 araw matapos itong pahintulutan ng Korte Suprema.

Sinabi ng biktima ng batas militar at dating Bayan Muna Party-list representative na si Satur Ocampo na sinadya ng mga Marcos ang biglaan at palihim na paglilibing sa dating diktador dahil may hanggang sa susunod na linggo pa ang mga petitioner upang maghain ng motion for reconsideration, alinsunod sa mga patakaran ng Korte Suprema.

“We are really shocked by the brazenness of the Marcoses. In the first place, the decision has not become final and executory. They practically pulled the rug from the Supreme Court,” sabi ni Neri Colmenares, dating kinatawan sa Kongreso ng Bayan Muna Party-list. “Like a thief in the night, ganun pa rin. Hindi nagbago ang mga Marcoses.”

Sa kabila nito, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa at determinado ang mga kongresista at mga grupong anti-Marcos na huwag maihimlay sa LNMB si Marcos at isusulong nila ang paghukay sa labi nito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kumpiyansa si Albay Rep. Edcel Lagman na ikokonsidera ng mayorya sa 9-5 ruling ng Korte Suprema ang kanilang desisyon at sa huli ay tuluyang ipagkakakit ang hero’s burial sa dating diktador.

Sa kanilang motion for reconsideration, iginiit ng mga petitioner sa Korte Suprema na mapalawig ang status quo ante order na ipinalabas nito noong nakaraang buwan at pigilan ang paghihimlay kay Marcos sa LNMB hanggang maging pinal ang desisyon sa usapin.

Kaugnay nito, kaagad namang nagpalabas ng kani-kanyang pahayag ang mga militanteng grupo laban sa paglilibing kay Marcos, kabilang na ang Kabataan Party-list, Gabriela Party-list, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Amnesty International, Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang (CARMMA) at Bayan Muna, binatikos ang administrasyong Duterte sa pagpapahintulot na mailibing si Marcos sa LNMB.

Nagpahayag din ng kani-kanilang pagkadismaya si Vice President Leni Robredo at ang ilang senador.

“Isang pinatalsik na magnanakaw at diktadura ay inilibing sa Libingan ng mga Bayani,” saad sa pahayag ni Sen. Kiko Pangilinan. “Hindi tama ito.”

“Like what Marcos did for 21 years, he caught us off-guard like a thief in the night. His burial is anything but noble. Even in death, he is a thief,” sabi naman ni Sen. Franklin Drilon.

Hindi rin pabor sa paglilibing sina Sen. Koko Pimentel, Sen. Francis Escudero, Sen. Leila de Lima, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Bam Aquino.

SANGKATERBANG PROTESTA

Ilang oras naman matapos ang libing ay sumiklab na ang kabi-kabilang kilos-protesta laban dito.

Nag-walkout sa kani-kanilang klase ang mga estudyante ng Ateneo De Manila University (ADMU) at nagtipun-tipon sa Katipunan Avenue—na nagdulot ng matinding trapiko.

Nakiisa naman ang mga dumadaang motorista at nagsipagbusina bilang suporta sa mga nagpoprotesta.

Daan-daang iba pang miyembro ng militanteng grupo ang nagtipun-tipon din sa PHILCOA area sa University of the Philippines (UP) campus, bukod pa sa napakaraming dumagsa sa EDSA hanggang kagabi.

(Ben Rosario, Chito Chavez, Leonel Abasola at Ellson Quismorio)