MAGANDANG balita sana ito para sa mga sumusubaybay sa kaso ni Zenaida Luz — na ang dalawang junior officer ng Philippine National Police (PNP) na naaresto matapos nilang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang anticrime crusader sa harapan ng kanyang bahay sa Gloria, Mindoro, ay totoong nakapiit na sa isang regular na kulungan sa naturang lalawigan, at hindi lang sila basta-basta “under custody” ng kanilang mga opisyal.

Ngunit ang kasiyahan sana sa balitang ito ng ilang kasamahan ni Luz sa grupong Citizen Crime Watch (CCW), na nakabase sa Timog Katagalugan (MIMAROPA), ay agad sinakmal ng labis na pagkabahala nang malaman nilang humihirit ang dalawang kalabosong opisyal na sina Senior Insp. Magdaleno Pimentel at Insp. Markson Almeranez na mailipat sila sa kulungan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa headquarters nito sa Calapan, Mindoro.

Take note, lang, ha — sa custody ng CIDG, ang hinahangaan kong operating unit ng Philippine National Police (PNP), na ngayon ay parang nakasalang sa pugon dahil sa alegasyong “itinumba” ng mga operatiba ng CIDG-Region 8 si Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr. sa loob ng kulungan nito sa Baybay City.

Sa inihaing motion sa korte nina Pimentel at Almeranez, hinihiling nilang ilipat sila sa detention center ng CIDG dahil apaw at napakasikip na raw sa seldang kinakukulungan nila sa ngayon, at nahihirapan silang magpagaling sa mga tama ng baril sa kanilang katawan. Nasugatan kasi sila nang makipagbarilan sa mga kabaro nilang pulis na rumesponde sa pinanggalingan ng putok habang pinapaslang nila ang walang kalaban-labang anti-crime crusader na si Luz.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa karagdagang paliwanag pa nila sa motion sa korte — hindi ko naman maarok kung anong emosyon ang aking ilalabas dito — natatakot daw kasi sila dahil karamihan sa mga kasama nilang nakakulong sa selda ngayon ay masasamang-ploob, pusher at mga adik, na sila rin ang nakahuli at nagpakulong.

Natatakot ang dalawang pulis na ito na baka may “magtumba” sa kanila. Takot sila sa mga multong ginawa nila…

Nasaan na kaya ngayon ‘yung buong loob at todong tapang nila nang tambangan at pagbabarilin nila si Luz, na ang tanging kasalanan sa kanila ay ipagtanggol sa korte ang mga kapus-palad na humihingi ng tulong para sa hustisya, dahil salat sila roon. Walang koneksyon, kumbaga.

Ano naman kayang mayroon sa CIDG ngayon at ‘yung dating itinuturing ng mga abusadong pulis na tinik sa kanilang lalamunan ay biglang pinagtitiwalaan na nila ngayon at lumalabas pa na maaari pa itong gawing kanlungan ng mga pulis na makakati ang daliring kumalabit ng gatilyo ng baril.

Ano nga ba talaga?

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)