Naisilbi na ang dismissal order ng Office of the Ombudsman laban kay Camarines Sur governor Edgardo Tallado kaugnay ng pagtanggal nito sa 48 na empleyado ng pamahalaang panlalawigan noong 2010.
Ang naturang kautusan ng Ombudsman ay isinilbi ni Department of the Interior and Local Government (DILG)-Region 5 Director Eloisa Pastor sa mismong tanggapan ni Tallado.
Si Tallado ay pansamantalang papalitan ng vice-governor nito na si Jonah Pimentel at hahalili naman sa posisyon ni Pimentel si 1st provincial board member Michael Canlas.
Nauna nang ipinahayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sinibak nila sa serbisyo si Tallado nang i-terminate nito ang 48 na provincial government employees noong Hulyo 2010 kahit nasa permanent status na ang mga ito matapos silang italaga ni dating Governor Jesus “Atoy” Typoco.
Bukod sa dismissal, kinansela rin ang kanyang eligibility, retirement benefits at hindi na rin pinapayagang humawak ng anumang puwesto sa pamahalaan. (Rommel P. Tabbad)