Agad nagpalabas ng massive manhunt operation ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang bagitong pulis sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.
Sa report ni Police Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kinilala ang nasawing pulis na si PO1 Ryan Gumarang, ng No. 001 Ejab Townhouse, Tandang Sora, Jeffrey Subdivision, Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Dakong 11:00 ng umaga kamakalawa nangyari ang pamamaril na kagagawan ng isang hindi pa nakikilalang driver ng Toyota Fortuner sa kahabaan ng Sagitarrius St., Tandang Sora, Quezon City.
Galing umano sa sabungan ang biktima at habang binabagtas ang Sagitarrius St., sakay sa kanyang motorsiklo at may angkas na babae, basta na lamang nag-overtake ang nakabuntot na Fortuner at pinagbabaril si Gumarang.
Hindi pa umano nakuntento ang suspek dahil nang makitang humandusay ang biktima, makailang beses pa uli nitong binaril ang huli. (Jun Fabon)