Anim na Vietnamese national ang dinukot at isa ang nakaligtas bagamat nasugatan matapos na harangin ng mga armadong lalaki ang sinasakyan nilang barko sa karagatang malapit sa Sibagu Island sa Lamitan City, Basilan, kahapon.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), iniulat ang insidente dakong 7:00 ng umaga kahapon, na kabilang sa anim na dinukot ang mismong kapitan ng Vietnam-flagged na M/V Royale 16.

Nakaligtas naman sa pagdukot pero sugatan matapos barilin ang isa sa mga lulan sa barko na si Dham Yan Trong, electrician, na isinugod sa ospital ng mga tripulante ng M/V Lorcon-Ilo-ilo.

Nabatid na ang M/V Lorcon-Ilo-ilo ang nag-ulat sa Zamboanga Coast Guard ng insidente makaraang matagpuan ang sugatang si Dham habang sakay sa barko.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Sa salaysay ni Dham, nasa 10 armadong lalaki ang umakyat sa kanilang barko at puwersahang tinangay ang kanyang mga kasamahan.

Sinabi naman ni Commander Jerome Cayabyab, ng Zamboanga Coast Guard, na wala pa silang pangalan ng anim na dinukot, na kinabibilangan ng kapitan ng barko, chief mate, second officer, third officer, bosun, at isang tripulante.

Ayon kay Cayabyab, wala pa silang detalye kung saan nagmula at patungo ang M/V Royale 16 at kung ano ang kargamento nito.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa makumpirma kung ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng panibagong pagdukot.

May ulat ng PNA (BETH CAMIA)