RAMDAM n’yo na ba?

Bukod sa mas malamig na simoy ng hangin at temperatura sa umaga’y meron pang isang bagay na tiyak na hindi makalalagpas sa inyo. Ito ang lalong pagsisikip ng trapiko.

Narito na ang Nobyembre at simula na ng kasagsagan ng “Ber” months na kilala sa malamig na klima at matinding trapiko. Habang papalapit ang Pasko, patindi nang patindi naman ang traffic.

Diyos kong mahabagin! Taun-taon na lang ay ganito ang krus na pinapasan ng mga taga-Metro Manila. At habang lumilipas ang mga taon, ‘tila talagang walang pagbabago.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tulad ng dati, asahan natin na mas bibigat pa ang trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular sa EDSA at C-5 Road. Wala kayong kawala!

Samantala, ‘tila natataranta na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung ano ang kanilang gagawin upang maibsan ang matinding problema sa trapiko.

Hanggang ngayon, wala pa tayong nababalitaan na kumikilos na ang mga bataan ni acting MMDA Chairman Tim Orbos hinggil sa pagbubukas sa “Mabuhay Lanes” na ginagamit na alternatibong ruta ng mga nais umiwas sa trapik sa EDSA.

Hanggang ngayon, patay pa ang “Mabuhay Lanes.” Matatandaan natin noon, pagsapit ng “Ber” months, lalo na tuwing Setyembre, ay abala na ang mga nakaraang liderato ng MMDA sa paglilinis sa mga nakahambalang na sasakyan sa “Mabuhay Lanes.”

Hindi lang ‘yan. Ilang kaso rin ang inabot ng mga MMDA clearing personnel sa paglilinis ng Mabuhay Lane sa mga paninda, talyer at iba pang bagay na nakaaabala sa mga pedestrian at motorista.

Ginoong Orbos, ano po ba’ng hinihintay n’yo? Pasko?

May isang panukala na binitawan si Ginoong Orbos hinggil sa posibleng hakbang upang maisaayos ang traffic.

Ito ay ang paglalagay ng plaka ng Land Transportation Office (LTO) sa harapan ng mga motorsiklo.

Ano ba ‘yan, Mr. Orbos?! Di ba’t wala pa ring nangyayari sa matinding backlog ng LTO license plate para sa mga bagong sasakyan, ngayon ay motorsiklo naman ang pinupuntirya n’yong lagyan ng plaka sa harapan nito.

Bakit hindi natin unahin na mapabilis ang pagpapalabas ng plaka para sa mga bagong sasakyan sa halip na mga motorsiklo naman ang targetin.

Kung iisipin talaga natin, malakas ang loob ng mga sasakyang gumagamit lamang ng conduction sticker dahil mas mahirap basahin ang mga numero at letra nito kumpara sa regular LTO plate. Ito’y bukod pa sa iba’t ibang materyales ang ginagamit ng mga vehicle owner sa conduction sticker.

Mag-isip-isip naman kayo! (ARIS R. ILAGAN)