Pinayuhan ng anti-toxic watch group ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga laruang ipangreregalo sa mga bata ngayong nalalapit na Pasko, bunsod ng posibilidad na may mga sangkap itong nakalalason tulad ng lead at mercury.

Ang payo ay ginawa ni Thony Dizon, coordinator ng Project Protect ng grupong EcoWaste Coalition, sa ginanap na News Break Forum kahapon.

Ayon kay Dizon, inaasahan na nilang ngayon pa lamang ay maraming tao ang unti-unti nang namimili upang mag-ipon ng mga laruang pangregalo sa mga bata ngayong nalalapit na ang Pasko.

Dahil dito, sinabi niya na dapat na suriing mabuti ang mga bibilhing laruan at tiyaking walang taglay na lason ang mga ito at akma rin sa mga batang pagbibigyan nito.

Partikular na pinag-iingat ni Dizon ang publiko sa pagbili ng makukulay at maraming pintura na laruan, dahil ito aniya ang karaniwang may mataas na antas ng lead at mercury, na delikado sa isang bata.

Eleksyon

Guanzon, tatakbong senador sa 2028!

Babala ni Dizon, sa sandaling malantad sa lead at mercury ang isang bata ay maaari itong maging bobo, lumiit ang utak at magkaroon ng skin cancer.

“Sa December 1, magpapalabas kami ng listahan ng mga laruan na may mataas na content ng lead at mercury para may pagbasehan ang publiko,” ani Dizon.

Pinayuhan pa ni Dizon ang publiko na bumili sa mga tindahan na nagbibigay ng resibo dahil magagamit ang mga ito sa pagsasampa ng kaso sa sandaling mapahamak ang kanilang mga anak sa nabiling laruan. (Mary Ann Santiago)