Pacman, diretso sa trabaho sa Senado.
Kung noo’y kailangan pang libutin ni Manny Pacquiao ang Kamaynilaan para pasalamatan ang sambayanan, trabaho sa Senado ang kaagad na tugon ng ‘Pambansang Kamao’.
Isinantabi na ni Pacman ang nakaugaliang ‘Hero’s Parade’ at kaagad na hinarap ang tungkuling nakabinbin sa kanyang lamesa sa Senado sa kanyang pagbabalik kahapon ng madaling araw.
"Balik trabaho na. Marami pang mga dapat asikasuhin sa opisina," pahayag ni Pacquiao sa media na nag-abang sa kanyang pagdating.
Dumating mula Los Angeles si Pacquiao kasama ang maybahay na si Jinky, ilang miyembro ng Team Pacman at malalapit na kaibigan na kinabibilangan nina Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at dating Ilocos Sur governor Chavit Singson, ganap na 4:16 ng madaling-araw.
Diretso ang grupo sa isang hotel sa Makati City kung saan nag-almusal ang grupo ni Pacman bago saglit na nagpahinga.
"Uwi rin ako ng Gensan, tapusin ko lang trabaho rito," aniya.
Hindi alintana ni Pacquiao ang sakit ng katawan mula sa 12-round na laban kay Vargas, gayundin ang 16 na tahi para maisara ang sugat sa kanyang ulo na aksidenteng nasiko ng Mexican.
“Kayang-kaya natin ito. Importante ang mga trabaho sa Senado, hindi naman natin basta-basta maiwan ito,”aniya.
Tinukoy ni Pacquiao sa panayam ng TV network na kailangan niyang dumalo sa pagpapatuloy ng congressional inquiry hingil sa extrajudicial killings na dinidinig sa Committee on Justice and Human Rights kung saan isa siyang miyembro.
Maigting ang panawagan na buhayin ang isyu matapos ang pagkamatay sa loob ng Leyte Sub-Provincial Jail ng umano’y drug lord na Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., gayundin ang isyu sa pagsasaayos sa mga nabiktima ng super typhoon ‘Yolanda’.
Pinasalamatan din niya ang kapwa Senador, sa pangunguna nina Vicente Sotto III at Cynthia Villar na nagpasa ng Senate Resolutions 217 at 220 para kilalanin ang panibagong tagumpay ni Pacquiao sa boxing.