VILLASIS, Pangasinan – Sugatan ang isang matapang na radio commentator makaraan siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Villasis-Asingan Road sa Barangay Poblacion Zone 1 sa bayang ito, kahapon ng umaga.

Sa panayam kahapon kay Chief Insp. Norman Florentino, hepe ng Villasis Police, sinabi niyang 5:40 ng umaga at papasok sa trabaho si Virgilio Maganes, 59, binata, freelance broadcaster kabilang na sa DWPR Power Radio sa Dagupan City, at residente ng Bgy. San Blas, nang mangyari ang pamamaril.

Napaulat na sakay si Maganes sa kanyang Euro motorized tricycle (3008-ZG) nang sundan ng mga suspek na lulan sa motorsiklo at ilang beses na pinagbabaril.

Nagtamo si Maganes ng mga bala mula sa .45 caliber pistol sa kanang bahagi ng kanyang katawan.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Sinabi ni Florentino na nakita rin sa pinangyarihan ng krimen ang placard na nasusulatan ng “Huwag akong tularan, isa akong adik”.

Kaagad namang nilinaw ni Florentino na hindi sangkot sa droga at wala sa drug watchlist ang radio commentator, na una na umanong nagpa-blotter dahil sa natanggap nitong mga banta sa buhay.

“Maaaring gusto lang iligaw (sa pamamagitan ng placard) ang motibo ng krimen. Bago pa ang pamamamaril ay nakapag-blotter na ang biktima ng mga banta sa kanyang buhay,” sabi ni Florentino.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa trabaho ni Maganes ang pamamaril sa kanya.

Under observation pa sa ngayon, naniniwala rin si Maganes na may kaugnayan ang insidente sa kanyang mga komentaryo tungkol sa pulitika sa Pangasinan, partikular na noong eleksiyon. (LIEZLE BASA IÑIGO)