CEBU CITY – Isang tatlong taong gulang na kambal ang nasawi sa sunog na tumupok sa isang dalawang-palapag na bahay sa isang subdibisyon sa Barangay Labangon sa siyudad na ito, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na sina Elain Margaret at Philet Myatt. Sugatan naman at ginagamot sa ospital ang ina nilang si June Myatt at yaya na si Lovelyn Estender.

Dinala ang kambal sa pagamutan ngunit binawian na ng buhay ang mga ito dahil sa suffocation, ayon kay FO1 Welyn Mabilog.

Sa Cebu City Medical Center nasawi ang batang lalaki, habang sa Chong Hua Hospital naman namatay ang kakambal nitong babae.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Natutulog ang kambal sa loob ng kanilang silid, kasama si Estender nang magsimula ang sunog dakong 2:55 ng umaga sa dalawang-palapag na bahay ng pamilya Myatt sa Acacia Place Subdivision.

Natagpuan ng mga bombero si Estender na walang malay sa pagkakalupasay sa banyo. Nagawa namang makatalon ng ina ng kambal mula sa terrace ng master’s bedroom.

Batay sa paunang imbestigasyon, sumabog ang air-conditioning unit sa unang palapag ng bahay kung saan matatagpuan ang silid ng kambal. (MARS W. MOSQUEDA JR.)