NAGUGULUMIHANAN ang industriya ng showbiz sa nabubuong plano ng pamahalaan na payagan ang PNP na ilathala sa publiko ang mga artista na dawit sa ipinagbabawal na gamot.

Ito ay sa gitna ng mga balita na pinapaberipika ng NCRPO ang mga pangalan sa mga kilalang tulak, at kung sinu-sino ang mga parokyano nila. Bumulaga kamakailan ang mukha nina Sabrina M at Mark Anthony Fernandez sa media dahil sa ilegal na droga. Magugunitang si Pangulong Digong, mas pabor sa pagbubunyag sa iba’t ibang uri ng listahan ng mga personalidad at sektor – buhay o namayapa – basta ba may sabit. Andyan ang mga pulitiko, huwes, PNP generals (aktibo o retirado), atbp.

Ibig sabihin, walang sinasanto si Pangulong Duterte basta shabu, cocaine, ecstasy, atbp. Kahit durugista ka lang, lalo na kung tulak, o mismong nagluluto, o senador pa, may paglalagyan ka sa mas pinalawak na kampanya ng buong gobyerno kontra sa pagdausdos ng Pilipinas sa pagiging “narco-state”.

Ang mga tulad ni Rez Cortez tutol sa “laglagan” na maaaring mangyari kung isasapubliko man ang listahan, dahil mawawalan ng hanap-buhay ang mga kasamahan nito na tanging puhunan ay pangalan at kasikatan.

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

Tulong at rehab, hindi pagpapahiya sa madlang-pipol ang nais ng mga taga-showbiz.

Si Boy Abunda ayaw din sa “pagtatangi” na “may problema ng droga sa showbiz”. Para kasing sinisipat at dinadamay lang ang isang sektor. Imbes ay pangkalahatan, “May suliranin ng droga sa kabuuang lipunan ng Pilipino”.

Sa kabilang banda, may mga nakakapansin, na porke ba taga-showbiz “special treatment” sa pambibisto ni Pangulong Duterte? Kaya huwag sila pangalanan? Ano ang mainam na diskarte sa nagbabanggaang pananaw? Siguro ipagpatuloy ang kampanya ng “Tokhang”.

Bigyan ng pagkakataon umamin, sabay lumagda sa PNP ang mga artista, sa usapang hindi sila isasapubliko basta magbabago! Ang mga hindi sablay at beteranong artista ay baka maaaring tumulong bilang mga tagapayo sa kanilang hanay, o maglabas ng patalastas kontra ilegal na droga para sa pamahalaan.

Kung may big-time na artistang tulak— ibang usapan na iyon. Bahala na si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa.

(Erik Espina)