CLEVELAND (AP) — Tapos na ang mahabang taong pagdadalamhati. Magdiwang kayo sa Chicago, sa wakas – kampeon na muli ang Chicago Cubs sa World Series.
Tinuldukan ng millennium Cubs ang 108 taon na kabiguan, kalungkutan at pagkadismaya matapos gapiin ng Chicago ang Cleveland Indians 8-7, sa makapigil-hiningang 10 innings sa Game Seven nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Tulad nang mga nakalipas na kampanya, nakaumang ang isa pang kabiguan sa Cubs.
Nabitiwan ng Cubs ang three-run na bentahe nang maitala ni All-Star closer Aroldis Chapman ang dalawang outs sa ikawalong innings kung saan nagtabla ang iskor sa 6-all mula sa home run ni Rajai Davis.
Ngunit, sa pagkakataong ito, hindi bumigay ang Cubs bagkus higit na nagpakatatag upang ipagkaloob sa mga tagahanga at tagasuporta ang matagal nang minimithing tagumpay.
Kumuha si Ben Zobrist ng RBI double, habang umiskor si Miguel Montero ng single home run para sa 8-6 bentahe.
Sinundan ito ng RBI single ni Davis sa bottom half, subalit nagawang makontrol ni Mike Montgomery ang huling ratsada para makumpleto ang come-from-behind win ng Chicago.
Dumagundong ang hiyawan at umawit ng Go! Cubs! Go! ang mga tagahanga sa Progressive Field.
Napawi ng koponan ni Manager Joe Maddon ang pinakamahabang pagkauhaw sa baseball major title at tanghaling kauna-unahang koponan na nagkampeon mula sa 1-3 paghahabol sa serye mula nang magawa ang tagumpay ng Kansas City Royals noong 1985.
Target naman ng Cleveland ang kauna-unahang korona mula noong 1948, ngunit bigo sila at ang masakit naganap ang pagkolapso ng Indians sa sarili nilang tahanan.
Liyamado ang Chicago mula pa sa spring training at naitala ang 103 panalo ngayong season.