ANO’NG mas gusto n’yong sakyan? Bus o van?
Itinanong namin ito dahil ang bus at van ang mas tinatangkilik ngayon ng publiko kaysa jeepney.
Totoo ngang nandyan ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) subalit dahil sa madalas na pagtirik ng dalawang mass transport system na ito ay mas nanaisin pa ng mga pasahero na tangkilikin ang bus o shuttle van sa kanilang pagpasok sa opisina o eskuwelahan, at pabalik sa kanilang bahay araw-araw.
Nariyan din at naglipana ang mga pampasaherong jeepney subalit kung may maayos na pagpipilian ang publiko ay iiwas sila sa ganitong uri ng sasakyan.
Una, langhap na langhap at sanghod na sanghod ang usok at alikabok. Pangalawa, walang air-conditioning system.
Pangatlo, hindi kumportable ang upuan. At pang-apat, laging mistulang lata ng sardinas ang siksikan ng mga pasahero nito.
Sa bitaw na “upong P7 lang po”, hindi ka makapapalag kapag ipinilit ng driver ang 12 pasahero sa upuan na para sa sampo lamang.
Kaya kung may mas maayos na alternatibong sasakyan ang mga pasahero, tiyak na lalangawin ang mga pampasaherong jeepney sa lansangan.
Etong mga bus, de-air-conditioning unit na, may libreng onboard movie pa. Makatitiyempo rin kayo ng mga passenger bus na may libreng WiFi kaya tiyak na hindi nakakainip kahit abutin pa ng magdamagan ang traffic.
Samantala, nariyan din ang mga shuttle van na mas kilala ngayon bilang “UV Express.”
Matapos ang ilang taong paghihintay para mabigyan ng gobyerno ng prangkisa, ang dating garage-to-terminal ay naging regular na shuttle vehicle na kahit saan ngayon ay makasasakay na ang mga pasahero at maaari rin itong magbaba kahit saan gusto ng driver.
Oo nga’t may air-conditioning unit ang mga ito subalit dahil sa pagsisiksikan ng mga pasahero ay hindi na kayang palamigin ang temperatura sa loob ng sasakyan. Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit madalas kayong makakita ng mga shuttle van na ang mga pasahero sa loob ay sige sa pagpapaypay kahit may air-con naman.
Bukod dito, sakit sa katawan din ang inaabot ng mga pasahero dahil sa matinding siksikan sa loob ng shuttle van.
Bagamat malinaw na pang-apatan lang ang second, third at fourth row seat ay magugulat kayo dahil lima ang nakapuwesto sa mga ito.
Halos hindi na rin makalakad nang diretso ang ilang pasahero matapos mababad sa folding seat, dahil sa buong mahaba-habang biyahe ay kalahati lang ng kanyang puwet ang nakalapat, at ang kalahati pa ay halos kinalong na ng kanyang katabi.
Ngayon, saan kayo sasakay? Sa pampasaherong bus o sa shuttle van?
Aguy’ Aguy! Aguy! (ARIS R. ILAGAN)