NATAUHAN din ang pamunuan ng Social Security System (SSS) sa patutsada ng mga mambabatas na mistulang nag-uutos sa naturang ahensiya na bumalangkas ng mga pamamaraan na makapaglalaan ng pondo para sa panukalang P2,000 pension hike ng SSS retirees. Dagliang naglatag ng mga estratehiya ang SSS executives upang matugunan ang pagmamadali ng mga mambabatas at upang mapahupa ang panggagalaiti ng mga pensyonado ng SSS.
Sa aking pagkakaunawa, ang plano ng pamunuan ng SSS ay kinabibilangan ng mistulang hulugang pagkakaloob ng dagdag na pensyon. Ibig sabihin, ang P2,000 pension hike ay hahatiin sa apat o ibibigay sa loob ng apat o limang taon; at unang tatanggap ng benepisyo ang mas nakatatandang pensyonado. Ang iba pang detalye nito ay tiyak na sasalain ng mga mambabatas.
Sapat nang pampalubag-loob ang naturang plano ng SSS leadership, lalo para sa katulad naming nasa dapit-hapon na ng buhay. Dangan nga lamang at may pangamba na baka hindi na namin mahintay ang pagkakaloob ng hulugang dagdag na pensiyon. Ang nasabing dagdag na biyaya na matagal na naming inaasam ay lubhang kailangan sa pagbili ng gamot na maaaring magpahaba pa sa aming buhay.
Ang nabanggit na plano ng SSS, sa kabilang dako, ay tiyak na hindi katanggap-tanggap sa mga mambabatas, lalo na kay Senador Dick Gordon. Kabaligtaran ito ng kanyang paninindigan. Nais niya na mag-isip nang mabuti ang pamunuan ng naturang ahensiya upang tumuklas ng mga pamamaraan na magpapahaba sa life span ng SSS. Nais niyang masulit ang nakalululang suweldo at benepisyo ng mga SSS officials — P450,000 monthly pay o P5 milyon isang taon — sa pagbalangkas ng mga patakaran upang madagdagan ang kakarampot na biyayang tinatanggap ng mga pensyonado ng SSS.
Malaking bagay ang maayos na paglikom ng buwis na hindi nababayaran ng SSS members at ng mismong mga kumpanya na delinquent taxpayers. Makapagpapalaki rin ng SSS funds ang paggamit ng SSS funds upang maging puhunan sa kapaki-pakinabang na negosyo. Sa gayon, makaiipon ng pondo... ang naturang ahensiya na hindi lamang makapagpapahaba sa life span nito kundi makatutulong pa sa pagkakaloob ng dagdag na benepisyo sa mga miyembro nito.
Kailangang mapaghandaan ng SSS executives ang hindi na mapigilang pagsusulong ng mga mambabatas ng P2,000 pension hike bill. Wala silang alternatibo kundi maglaan ng kailangang pondo na iuutos ng batas na hindi naman marahil ibabasura ng veto power ni Pangulong Duterte. (Celo Lagmay)