ISANDAANG porsiyento kong kinakatigan ang apat nating senador na nagsusulong sa Senado para masusugan ang 51-anyos na nating batas na Republic Act No. 4200, na mas kilala sa tawag na Anti-Wiretapping Law, upang makasabay ito sa mabilis na takbo ng modernisasyon sa buong mundo na sinasakyan din ng mga “utak kriminal” upang paglaruan at matakasan ang batas.
Ayon sa magigiting na senador na ito, “luma na at laos pa” ang tinutukoy na mga pamamaraan sa R.A. 4200 kaya hindi na ito naaangkop na gamitin sa ngayon na panahon ng “digital age” na ibang-iba na ang mga makabagong gadget na gamit sa pakikipagtalastasan.
“Sa panahon ngayon, ang mga kidnapper ay hindi na po gumagamit ng mga landline para makipag-negotiate ng ransom sa kaanak ng kanilang mga biktima o sa pakikipag-usap sa isa’t isa. Kung hindi man cellular phone ang gamit ‘pag nag-uusap ay dinadaan na nila sa text messaging,” sabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang sponsorship speech sa Senado para sa isinususog nilang batas na may titulong “Expanded Anti-Wiretapping Act of 2016”.
Masasabi kong eksperto rito si Sen. Ping dahil ang “wiretapping” ay isa sa mga epektibong pamamaraan na ginamit ng Philippine National Police (PNP) noon, na kanyang pinamunuan, laban sa kriminalidad, lalo na sa sindikato ng mga kidnapper na ang paboritong ipa-ransom ay mayayamang negosyanteng Intsik sa bansa. Ito ang sinasabing nakatulong sa kanyang pagsikat na nagbigay-daan na rin sa pagkakahalal niya bilang senador.
Panalo talaga ang layunin ng isinusulong nilang batas na ito, lalo na ‘yung mga susog laban sa ilegal na droga at anti-money laundering—‘yun nga lang, alam na alam ko rin na may maliliit itong butas na maaaring mapasok ng pang-aabuso laban sa karapatang pantao ng mamamayan, lalo na ng ating “Right to Privacy”.
Alam na alam naman din ito ni Sen. Ping, na kung ang pagbabasehan ay ang kanilang karanasan noon sa Camp Crame ay maaari naman talaga itong maabuso. Kaya umaasa akong magagawan nila itong malagyan ng mga probisyong mangangalaga sa ating “Right to Privacy” habang epektibo pa rin itong magagamit laban sa mga sindikatong namamayagpag sa paggawa ng krimen, gamit ang mga... makabagong teknolohiya.
Pinaninindigan ni Sen. Ping na sa mga susog nila sa makalumang Anti-Wiretapping Act, na halos ay napag-iwanan na ng makabagong teknolohiya, ay mangingibabaw pa rin ang paggalang sa pribadong buhay ng mamamayan habang ito ay nagsisilbi namang pambalanse sa epekto ng digital age sa mundo.
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)