POC, Cojuangco binira ng PSC, Fernandez.
Ibinulgar ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez na tumatanggap ng hiwalay na pondo ang Philippine Olympic Committee (POC) mula sa International Olympic Committee (IOC).
Sa kabila nito, aniya, nananatiling nakasandal ang Olympics body sa pinansiyal na tulong mula sa sports government agency.
Sa datos na nakuha ni Fernandez sa opisyal na website ng IOC, nakasaad dito na nagbigay ito ng tulong pinansiyal sa POC para magamit ng 13 atletang Pinoy na nagkuwalipika sa Olympics sa Rio de Janaeiro, Brazil nitong Agosto.
Nakasaad sa data na nagbigay ang IOC ng US$16,000 sa mga miyembrong NOC bilang logistical costs para sa pagpapadala ng mga atleta sa Rio Olympics. Sinasabing US$10,000 ay para sa NOC president at secretary general na magagamit nila sa transportasyon, habang US$2,500 kada isa sa mga atletang kalahok.
Ayon kay Fernandez, naglaan ang dating PSC administration sa pamumuno ni Chairman Richie Garcia – kilalang malapit kay POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco – nang P30 milyon para magamit sa travel, allowance at training ng mga atleta na sasabak sa Rio Games.
Ngunit, sa kabuuan kasama na rin dito ang gastos para sa 17 opisyal mula sa POC.
“Pinatitingnan ko ang financial record sa PSC. May nakapagsabi rin kasi sa amin na pati allowances ng mga POC personnel, ikinakarga sa budget ng PSC,” sambit ni Fernandez.
“These are real figures and the PSC gave POC funding, which until now they failed to liquidate,” aniya.
Bilang suporta, ipinag-utos din ni Presidente Duterte na taasan sa US$5,000 mula sa dating US$1,000 ang allowances ng mga atleta na sumabak sa Rio Games. Sa kabutihang-palad, nagwagi ng silver medal si weightlifter Hidilyn Diaz,
Ikinaalarma rin ni Fernandez ang tila kutsabahan sa POC matapos idiskuwalipika ng Comelec na binuo ni Cojuangco si boxing president Ricky Vargas na lalaban sa pagkapangulo kontra sa 12-taong liderato ng dating Tarlac Congressman.
Naghain na ng apela ang kampo ni Vargas, ngunit nagpahayag ito ng kahandaan na idulog ang usapin sa Supreme Court sakaling katigan ng POC Comelec ang naunang desisyon.
Kung sakali, nahaharap sa suspensiyon ang POC sa IOC.
Iginiit naman ni Fernandez, na hindi maaapentukan ang paghahanda ng mga atleta sakaling masuspinde ang Pilipinas bunsod ng gusot sa POC.
“Personally I want POC to be suspended by the IOC. We can still send our athletes to international competitions just like what happened to Kuwait,” sabi pa ni Fernandez.
“All other countries, except for the United States, their Olympic Committee is run by the government. That means they are accountable to the people. Our present situation is patterned with the USA where the Olympic Committee is ran by private groups. But for the meantime, if POC won’t get their acts together, PSC will give the funding directly to the athletes,” aniya. (Angie Oredo)