URDANETA CITY, Pangasinan - Walang sinasanto ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) at maging ang kanilang kabaro, basta nasangkot sa ilegal na gawain, ay kailangang managot.
Ito ang inihayag kahapon ni Supt. Jackie Candelario, tagapagsalita ng Pangasinan PPO, makaraang madakip kahapon si Virgilio Mamerto, ng Barangay Carusucan Sur, Asingan; at anak niyang si PO2 Verson Mamerto, aktibong operatiba ng San Nicolas Police.
Sinabi ni Candelario na ang paghahain nila ng tatlong search warrant sa mga bayan ng San Nicolas, Asingan at Villasis dakong 9:00 ng umaga kahapon ay nagresulta sa pagkakadakip sa mag-ama, na pinaniniwalaang may malaking partisipasyon sa gun-for-hire na Mamerto group.
Isang high-value target na drug personality si PO2 Mamerto, at matagal nang sinusubaybayan ng kanyang mga kabaro.
Nakakumpiska ang pulisya, Philippine Army at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng matataas na kalibre ng baril sa nabanggit na mga operasyon.
Inaalam pa ang mga napatay ng nasabing grupo, gayundin ang mga kasong isasampa laban sa kanila. (Liezle Basa Iñigo)