Sports cooperation sa China at Russia binuhay ng PSC.
Maging sa sports, sasandal ang Pilipinas sa matagal nang kaalyadong mga bansa, sa pangunguna ng China at Russia.
Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na muling bubuhayin ng Pilipinas ang sports cooperation sa dalawang sports superpower para matulungan ang atletang Pinoy na maiangat ang kanilang kakayahan at competitive level.
“It’s a big sign on Duterte’s administration na shifting. Si Presidente (Duterte) nagkakaroon ng independent foreign policy, so we take advantage with this opportunity,” pahayag ni Ramirez.
Bilang panimula, magtutungo si Ramirez sa Mainland sa susunod na linggo upang makipagpulong sa Sports Minister at magsagawa ng pagbisita sa iba’t ibang training center and facilities sa Beijing at Guandong.
“The China Games is very effective in terms of selectuion the best of the best athletes for the world stage. Titignan natin kung ano ang makukuha nating tulong para palakasin ang ating Philippine Sports Institute,” sambit ni Ramirez.
Ang PSI, pangangasiwaan ni dating HongKong Sports Institute official Marc Velasco, ang sentro ng sports program ng administrasyon ni Duterte.
“Tignan natin kung ano ang makukuha natin sa MOA once we finalized every details,” ayon kay Ramirez.
Ang matibay na programa sa grassroots development ang naging susi sa tagumpay ng China sa international sports scene.
Matapos bansagang ‘gentle giant’, isa na ang China sa kinatatakutang bansa sa aspeto ng sports at pinatunayan nila ito nang angkinin ang overall championship sa 2004 Beijing Olympics.
Kamakailan, personal ding nakausap ni Ramirez si Russian ambassador to the Philippines Mr. Igor Khovaev , kung saan itinutulak na pagtibayan ang sports cooperation ng magkabilang bansa.
“We’re inviting the Russian Sports Minister to come over so we can renew our ties with them.Handa naman silang tumulong sa atin, especially sa PSI at sa sports na malakas sila tulad ng gymnastics and shooting,” aniya.
Nagkaroon na ng Memorandum of Agreement (MOA ang Pilipinas at Russia may apat na taon na ang nakalilipas, ngunit hindi ito nagkaroon ng katuparan bunsod ng kabiguan na maimplementa ang programa.
Batay sa record ng PSC, hindi lamang sa Russia at China nagkaroon ng MOA ang Pilipinas. May 12 bansa ang nakasundo ng PSC para sa sports cooperation tulad ng Bruneo, Malaysia, Vietnam, Singapore at Indonesia.
“Some MOA failed to be implemented for different reason,” pahayag ni Velasco.
Iginiit ni Ramirez na sa dinami-dami nang nakasundo ng Pilipinas para palakasin ang sports programa, hindi kabilang ang Amerika na siyang matagal nang kaalyado ng Pilipinas.
“As far as I’m concerned, wala naman akong nakikitang collaboration sa America sa sports. Sa sports naman it goes out exploring your connection where it can enhance grassroots programa,“ sambit ni Ramirez. (Edwin Rollon)