Ipinahayag kahapon ng Philippine Army (PA) ang muling pagsabak nito sa isang-buwang joint and combined training exercise kasama ang United States Special Operations Forces sa Nobyembre hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon, base sa annual program nito.
Ayon kay Col. Benjamin L. Hao, tagapagsalita ng Army, ang Philippines-United States Exercise Balance Piston 16-4, ay nakatuon sa paghahasa sa kakayahan sa pakikipaglaban ng Special Operations Command (SOCOM) ng PA at ng US Special Operations Forces.
Aniya, ang nasabing pagsasanay na gagawin sa isang Maritime Training Facility sa Puerto Princesa City, Palawan at sa isang military camp sa Rizal, Palawan, ay dadaluhan ng mahigit isang dosenang US Special Operations Forces at Philippine Army Special Forces.
Tuloy ang nasabing training exercise sa kabila ng pahayag ni Pangulong Duterte na nais na niyang tuldukan ang military exercises ng bansa sa United States. (Francis T. Wakefield)