“We have not yet solved the traffic problem but we are now in the process.”

Ito ang bungad ni Department of Transportation (DoTr) Undersecretary Raoul Crecencia sa kanyang pag-upo sa Manila Bulletin (MB) hot seat kahapon.

“We see changes… step by step… hindi natin mareresolba agad-agad ang traffic, hindi ganon kadali,” dugtong ni Crecencia.

Kasama sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Thomas “Tim” Orbos, Manny Gonzales ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) at Supt. Antonio Gardiola ng Highway Patrol Group (HPG), ipinaliwanag ni Cresencia ang kasalukuyang lagay ng trapiko at ang mga solusyon na pagtutulung-tulungan ng bawat isa.

Tinawag na lutang, lugaw, madumb: Leni 'di minura at nagbantang ipapatay si Digong

Isa na rito ang pagpapaigting sa programang “no contact traffic apprehension” na maaaring isyuhan ng ticket o kasuhan ng paglabag sa batas-trapiko ang isang motorista sa pamamagitan ng mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera.

Dahil dito, ayon kay Orbos, plano ng MMDA na bumili ng mas maraming camera para mas maging epektibo ang nasabing programa.

Malugod ding ibinalita ni Orbos ang pakikipagtulungan ng national government unit, kabilang na rito ang DOTr at I-ACT, sa pagsusulong ng one ticketing system sa lahat ng paglabag sa batas-trapiko, gaya ng illegal parking, smoke belching, at iba pa.

Samantala, nanawagan naman sa mga mamamayan si Gardiola na makiisa sa kanilang programa sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato o video ng mga pasaway na motorista at ipadala sa kanilang website sa www.mmda.goc.ph.

(Ellaine Dorothy S. Cal)