Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi 100 porsiyentong mababantayan ng militar ang Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi upang mapigilan ang pagtakas ng mga leader at miyembro ng Abu Sayyaf Group.

Ito ang naging komento ni Marine Col. Edgard A. Arevalo makaraang iulat ng Philippine National Police (PNP) na nasa anim na miyembro ng Abu Sayyaf ang namataan sa Cebu nitong weekend.

Ayon sa pulisya, ang mga namataan mandirigmang Abu Sayyaf ay mga tauhan ni Alhabsi Misaya.

Mismong si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang nagkumpirma sa presensiya ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa Cebu.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Sa isang panayam, inamin ni Arevalo na kulang ang military asset ng Philippine Army at Philippine Navy upang mapigilan ang Abu Sayyaf sa pagtakas patungo sa iba pang mga lalawigan, sa kasagsagan ng pakikipagdigmaan ng militar upang durugin ang grupong bandido.

“Ang sinasabi natin diyan, wala namang 100 percent o full proof na set-up para ma-prevent ang pagtakas nila. Sa lawak ng dagat, karagatan ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi mahirap iyan,” sabi ni Arevalo. “And then ang asset naman natin hindi naman ganoon kadami para magmistulang pader na magdikit-dikit na talagang mahaharangan, hindi naman ganoon ang set-up. So, definitely may pagkakataon na sa mga gaps na iyan, o kaya mismo sa mga set-up na mga barko natin na umiikot, puwedeng natitiyempuhan nila.”

Gayunman, tiniyak ni Arevalo sa publiko na patuloy na umiigting ang operasyon ng militar upang tuluyan nang madurog ang teroristang grupo.

“What we can assure the public is that soldiers are not stopping, the Navy is still conducting patrols to hunt them.

If we have to make necessary adjustments in the present set-up base on their response, we will do that. We are adjusting and we are evolving,” sabi ni Arevalo. (FRANCIS T. WAKEFIELD)