Sa layong mabigyan ng sapat na linaw ang pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), bubuksan ng Department of Justice (DoJ) ang imbestigasyon sa ‘Mamasapano massacre’ sa Enero.
Bukod dito, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na aalamin ng ahensya ang umano’y kinalaman ng US military sa ‘Oplan Exodus’, kung saan napunta ang $5 million reward money at kung ano mismo ang naibabang utos sa mga police commando.
Ang nasabing isyu ay naungkat makaraang banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Filipino-Chinese investment forum sa Beijing, China noong Oktubre 20, na nagluluksa pa rin hanggang ngayon ang mga Pilipino sa pagkamatay ng SAF 44.
“Dapat ay muling buksan ang imbestigasyon para malinawan talaga ang masakit na sinapit ng 44 SAF men at matukoy din kung sino ang dapat na managot,” pahayag ni Aguirre. - Beth Camia