Naagaw ng La Salle sa University of Santo Tomas ang dominasyon sa poomsae event sa UAAP Season 79 taekwondo tournament nitong weekend sa Blue Eagle Gym.
Nahakot ng Green Archers ang dalawang ginto, dalawang silver at isang bronze medal para lupigin ang mga karibal.
“Well, in the very beginning, we always have the problem with the number of players. We are fortunate that this season, we are able to get quality players,” sambit ni La Salle coach JP Sabido.
Pumuwesto ang Tigresses sa ikalawa tangan ang dalawang ginto at dalawang bronze medal.
Pinangunahan ni Rinna Babanto ang ratsada ng La Salle sa women’s individual tangan ang iskor na 8.43 kontra Far Eastern University’s Charisse Jasmin (8.06) at University of the Philippines’ Patricia Jubelag (7.96).
Nagwagi naman ng ginto ang tambalan nina Raphael Mella at Angelica Gaw sa iskor na 8.66 kontra kina Dustin Mella at Janna Oliva (8.59) ng UP at Jerel Dalida at Jocel Ninobla (8.53) ng UST.
Nakopo nina Babanto, Gaw at Hernandez ang silver medal para sa La Salle sa women’s team sa iskor na 8.54, habang ng-silver din ang grupo nina Mella, Mcavyngr Alob at Benjamin Sembrano asa men’s team category sa iskor na 8.41.
Nasungkit naman ni Alob ang bronze sa men’s individual (8.27).
Nanguna naman ang UST sa men’s individual nang magwagi si Rodolfo Reyes (8.58), gayundin ang men’s teams nina Reyes, Dalida at Adrian Ang (8.64), habang bronze ang women’s team nina Ninobla, Jhoana Razon at Byrinne Abenir (8.44).