MARAMI akong kamag-anak at kaibigan sa ibang bansa, partikular na sa United States, na nagtatanong kung ano ang nangyayari sa Pilipinas. Ang tugon kong lagi ay:”Heto, mahigit na sa 3,000 katao ang napapatay sa drug war ni President Rodrigo Roa Duterte. Galit siya sa US, UN at EU dahil pinaaalalahanan siya sa posibleng human rights violations at extrajudicial killings sa paglaban niya sa ilegal na droga.”

Sinabi ko sa kanila na kumporme ang mga Pinoy sa layunin ng Pangulo na mapuksa ang illegal drugs sa ‘Pinas, itumba ang drug pushers, users, subalit dapat ay maingat ang mga pulis sa pagsalakay upang hindi madamay ang mga inosenteng sibilyan, bata, babae, at OFW.

Sinabi ko na hindi naniniwala ang taumbayan na lehitimo umano ang engkuwentro ng raiding police teams at ng drug addicts dahil ang lagi nilang napapatay ay mga ordinaryong tao, nakatsinelas at sa tabi ng bangkay ay may .38 cal. pistol at ilang sachet ng shabu. Hindi raw kapani-paniwala na lalaban ang isang addict o pusher sa mga pulis na armado ng matataas na kalibreng armas. Nagtatanong ang mga kababayan natin kung may naitumba na bang bigtime drug lord.

Sinabi ko rin sa mga nag-uusisa at humihingi ng balita mula sa ibayong dagat na mas makiling ngayon si Mano Digong sa China at Russia, at parang matamlay sa US. Tanong nila: “Bakit nagkakaganoon eh, balita namin inaangkin ng China ang Panatag Shoal at itinataboy pa ang ating mga mangingisda?” Sabi ko, baka pagpunta ni RRD sa China ay pumayag na ito.

Inulit ko sa kanila allergic at nagiging ballistics ang pangulo kapag nababanggit ang human rights violations at extrajudicial killings kaugnay ng “bloody drug war” niya. Sinabi ko na maganda at kanais-nais ang layunin ng Pangulo na malinis ang ‘Pinas sa bawal na gamot at mailigtas ang mga kabataan at lahat ng Pinoy sa shabu, at iba pa.

Si Sen. Leila de Lima na kritiko ni Mano Digong ngayon ay “nakalubog” sa mga pag-atake at panghihiya ni President Rody dahil noong siya pa ang CHR chairperson, nagpunta siya sa Davao City upang siyasatin ang posibleng pagkakasangkot ni Mayor Duterte sa Davao Death Squad (DDS) noon na kumitil ng may 1,000 katao. Hindi ito nakalimutan ni RRD, at lalong tumindi ang galit kay De Lima nang magsagawa ng imbestigasyon sa Senado tungkol sa umano’y extrajudicial killings na likha ng illegal drug war ng Pangulo noong siya pa ang chairperson ng Senate committee on justice and human rights. (Bert de Guzman)