maine-at-alden-copy-copy

TODAY, October 22, ang wedding day ng AlDub.

Gaganapin ito sa isang malaking simbahan na malapit sa Broadway, studio ng Eat Bulaga. Bilin nga ng Dabarkads sa lahat ng AlDub Nation at mga tagasubaybay, eksaktong 11:30 AM, tumutok na sa noontime show ng GMA-7 para hindi ma-miss ang live grand wedding ceremony on television.

Ang daming na-curious kung ano ang mga mangyayari mamaya, na nagsimula pa noong mamanhikan si Alden (Alden Richards) kay Yaya Dub (Maine Mendoza) sa mansiyon ng tatlong lola nito noong nakaraang Sabado, at simula nitong Lunes ay araw-araw nang ipinakita ang paghahanda nina Alden at Maine sa itinakdang kasal nila ngayong Sabado nga. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pero ang talagang big question, for real na ba itong sinasabing wedding nina Alden at Maine?

Bakit daw gumamit ng real people na involved sa wedding, like tunay na pari si Fr. Jeffrey Quintela, sylist na si Liz Uy, ang famous videographer na si Jason Magbanua na in-demand sa mga nagpapakasal dahil iba ang dating ng kanyang mga video -- parang isang mini-TV presentation na. 

At may prenup photos pa nga na kuha naman ng famous photographer na sina Manny & April, at ipinahiram naman nang libre ni Mother Lily Monteverde kay Mr. Tony Tuviera ang kanyang 38 Valencia Events Place para sa shoot.

Ang latest naming nalaman, ang tumahi ng wedding gown ni Maine ay ang sikat ding si Rosa Clara. 

Nitong Wednesday afternoon, nag-fitting na si Maine ng kanyang wedding gown, kasama si Liz Uy, sa shop ni Rosa Clara. At kahapon, nagkaroon ng bridal shower si Maine.

Pero ang pinakahihintay sa kasalan mamaya, kung sinu-sino ang bubuo sa entourage. Sinu-sino nga kaya ang principal at secondary sponsors, sino ang magiging groom’s man (noong isang araw, nag-post ang best friend ni Alden na si Kristoffer Martin na gagawa siya ng paraan na maka-attend ng wedding, magpapaalam daw siya sa taping ng bago niyang afternoon prime drama series). At sino rin kaya ang bridesmaid? Tiyak na in character sina Wally Bayola as Lola Nidora, Paolo Ballesteros as Lola Tidora at Jose Manalo as Lola Tinidora. 

Ang malaki pang katanungan, sino ang maghahatid kay Maine sa altar, si Daddy Doods (Vic Sotto) o ang kanyang tunay na ama, si Tatay Dub? Sa kalyeserye, ang lumabas na ama ni Alden ay ang kanyang Daddy Bae, siya rin kaya sa kasal mamaya at si Ai Ai delas Alas ang kanyang Lola Baba?

Kaabang-abang ang kasalan dahil mamaya lang uli magkikita sina Alden at Maine. Ilang araw nagbakasyon sa Japan si Alden, kasama sina Mr. Tony Tuviera at production staff and hosts ng Sunday Pinasaya at dumating siya midnight of Friday/early morning of Saturday. Tradisyon daw kasi iyon na bawal magkita ang mga ikakasal at mangyayari na lamang iyon sa wedding ceremony.

Hindi naman kinaligtaan ng Eat Bulaga ang ADN dahil nag-issue sila ng 600 invitations na pupuno sa simbahan bilang guests ng wedding ceremony nina Alden at Maine. Nailihim nila ang details ng kasal. Ang invited fans, sasakay sa mga bus na maghahatid sa kanila sa simbahan.

Sa Eat Bulaga at kina Alden at Maine, congratulations! (NORA CALDERON)