Araneta at Vargas, hahamunin si ‘Peping’ sa POC.

Umasa. Hinamon. Naunsiyami.

Ang inaasahang bagong termino ni Jose ‘Peping’ Cojuangco sa Philippine Olympic Committee (POC) presidency ay malalagay ngayon sa inaasahang krusyal na botohan.

Matapos ang ilang araw na pagmumuni-muni sa suhestyon nang ilang malalapit na kaibigan, pumayag umano ni Mariano ‘Nonong’ Araneta, pangulo ng Philippine Football Federation (PFF) ang intensiyon na labanan sa POC presidency ang itinuturing ‘over staying’ na dating Tarlac Congressman.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

“He accepted the challenge. We expect him to file his candidacy next week,” pahayag ng isang sports leader na tumaggi munang pangalanan.

“Aware naman kasi si Mr. Araneta sa kaganapan sa POC at nais niyang tumulong para sa tunay na reporma sa sports,” aniya.

Wala pang pormal na pahayag hingil dito si Araneta.

Nakatakda ang eleksiyon sa POC sa Nobyembre 25 at ang deadline sa pagsumite ng kandidatura para sa lahat ng bakanteng posisyon ay sa Oktubre 31.

Kung sakali, si Araneta ang ikalawang challenger ni Cojuangco, na umaasang muling maluluklok sa Olympic body bilang ‘unopposed’.

Kamakailan, ipinahayag ni Ricky Vargas, pangulo ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), ang kagustuhang tumakbo sa panguluhan ng POC.

“We are discussing our options,” pahayag ni Vargas, hingil sa ayuda ng ilang national sports associations (NSA) para sa kanyang kandidtura.

Ayon sa source, ang mga NSA’s head na sumusuporta kay Vargas ay ang grupong nanliligaw na rin kay dating SBP president Manny Pangilinan.

‘Itong grupo ng NSA, hindi na ito masaya sa walang direksyon na pamumuno ni Mr. Cojuangco. Walang sports development, puro pulitika lang sa POC eh!,” sambit ng source.

“I’m thinking of filing my candidacy for POC president,” pahayag ni Vargas, apo ni Jorge B. Vargas, educator at Executive Secretary ng dating Pangulong Manuel L. Quezon at naging pangulo ng Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF), dating POC.

Tahasan ang kagustuhan ni Cojuangco na manatili sa POC sa ikaapat na termino dahil sa kagustuhan umano na maisulong ang programa sa sports hanggang 2020 Tokyo Olympics.

Naging pangulo ng POC si Cojuangco noong 2004 at nakalusot noong 2008 laban sa namayapang si Art Macapagal ng shooting (21-19). Nitong 2012, walang kalaban si Cojuangco.

Sa loob ng 12 taong panunugkulang sa POC, hindi nakaahon ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto sa Southeast Asian Games.

“Ayaw ni Mr. Cojuangco ang salitang ‘debacle’. Eh, ano ang maitatawag mo sa performance ng Philippine Team sa SEA Games?,” sambit ng opisyal. (Angie Oredo)