Isang lalaking bilanggo ang binawian ng buhay sa loob ng piitan ng himpilan ng Manila Police District (MPD) sa Tondo nitong Sabado, wala pang dalawang linggo ang nakalipas matapos siyang maaresto dahil sa kasong pagnanakaw.

Dead on arrival sa Tondo Medical Center si Ernesto Solon, 60, pedicab driver, ng Helping Complex Street, Tondo.

Batay sa ulat ni PO2 Jorlan Taluban, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nakaramdam ng panlalambot at hirap sa paghinga si Solon dakong 4:33 ng hapon nitong Sabado sa pagkakapiit sa himpilan ng MPD-Station 1 sa Raxabago Street, Tondo, kaya kaagad siyang isinugod ni PO3 Albert Acevedo sa pagamutan.

Gayunman, pagdating sa pagamutan ay idineklara ng mga doktor na patay na si Solon, dakong 4:57 ng hapon.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Sa imbestigasyon, lumitaw na walang ibang sugat sa katawan ng bilanggo maliban sa pigsa na natamo nito dahil sa labis na init sa siksikan sa bilangguan.

Oktubre 5 nang inaresto si Solon dahil sa kasong pagnanakaw. (Mary Ann Santiago)