Isang may-ari ng tindahan na kilala sa pagiging “workaholic” at madalas na nagpupuyat upang tutukan ang kanyang negosyo, ang natagpuang patay habang nakabantay sa kanyang tindahan sa Pasay City.
Kinilala ni SPO1 Giovanni Arcinue, ng Pasay City Police, ang nasawi na si Bienvenido Medina, 49, may asawa, ng FB Harrison Street, Barangay 23, Zone 2, Pasay.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong 1:00 ng umaga at magsasara na siya ng tindahan nang natagpuan ni Aicel Sengseng, 25, stay-in store helper, si Medina na wala nang buhay.
Sinabi ni Sengseng sa pulisya na nakaupo si Medina sa kahoy na upuan nitong Biyernes nang mapansin niyang iba pa ang kulay ng mukha nito.
“Nagtaka raw siya bakit hindi pa kumikilos ‘yong boss niya, eh, madaling araw na at pasara na sila,” sabi ni Arcinue.
Sinabi ni Sengseng na sobrang workaholic ng kanyang amo at karaniwan na itong nagpupuyat upang personal na tutukan ang pag-aaring grocery store.
Wala namang nakita ang Scene of the Crime Operations (SOCO) na anumang sugat sa katawan ni Medina, na pinaniniwalaan namatay habang natutulog.
Dinala na sa Veronica Funeral Homes ang labi ni Medina para matukoy ang sanhi ng kanyang pagpanaw.
(Martin A. Sadongdong)