Inalerto ang mga komunidad sa Metro Manila, Central Luzon, Southern Tagalog at Northern Luzon sa posibilidad ng baha at pagguho ng lupa na idudulot ng bagyong ‘Karen’, na hindi inaasahan ng mga eksperto na hihina anumang oras.
Inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magla-landfall ang Karen sa Quezon-Aurora area ngayong Linggo ng umaga habang tumatawid sa Luzon at magdadala ng malakas na ulan sa nabanggit na mga lugar.
Itinaas na ang public storm warning signal (PSWS) No. 3 sa Catanduanes, Camarines Norte, Northern Quezon, Polilio Islands at Aurora; samantalang nasa Signal No. 2 ang ilang bahagi ng Quezon, Camarines Sur, Albay, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, Zambales, Tarlac, Pangasinan, Nueva Vizcaya, La Union, at Benguet.
Signal No. 1 naman sa Sorsogon, Masbate, kabilang ang Ticao at Burias Islands, Isabela, Romblon, Marinduque, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, Cavite, Metro Manila, Pampanga, Bataan at Ifugao.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 95 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Virac, taglay ang lakas ng hanging 130 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugsong 180 kilometro kada oras.
Ito ay kumikilos patungong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro kada oras.
Tinatayang bukas, Lunes, ng umaga ay nasa layong 445 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Iba, Zambales na ang Karen, at sa Martes ay inaasahang makikita ang sentro nito sa layong 785 kilometro hilaga-hilagang kanluran ng Pagasa Island sa Palawan, na nasa labas na ng Pilipinas.
6,000 STRANDED, FLIGHTS KANSELADO
Dahil sa bagyo, halos 6,700 pasahero ang stranded kahapon sa iba’t ibang pantalan sa Luzon at Visayas dahil na rin sa pag-aalimpuyo ng dagat.
Batay sa datos kahapon ng tanghali, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na may kabuuang 6,692 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa hilaga-silangang Luzon, Southern Tagalog, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas at Central Visayas.
Kasabay nito, may 42 domestic flight ang kinansela kahapon, dakong 2:30 ng hapon, dahil sa bagyo, batay sa ulat ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Kinansela na rin ng Cebu Pacific ang 131 domestic flight at 14 na international flight nito ngayong Linggo.
SAPILITANG PAGLILIKAS
Samantala, nagpatupad na kahapon ng tanghali ng forced evacuation sa daan-daang residente at turista ang lokal na pamahalaan ng Baler, Aurora matapos tukuying high-risk sa bagyo ang Central Luzon.
Sinabi ni Gabriel Llave, hepe ng Baler Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), na partikular na inilikas ang mga residenteng nasa baybayin at mabababang lugar, dahil na rin sa una nang naibabang storm surge na maaaring idulot ng Karen. (ROMMEL TABBAD, ARGYLL CYRUS GEDUCOS, ARIEL FERNANDEZ at FRANCO REGALA)