KARUMAL-DUMAL ang pagkamatay ni Citizen Crime Watch (CCW) regional head Zenaida Luz. Walang itong pinag-iba sa pagkamatay ng mga biktima ng extrajudicial killings sa ating bansa. Ang pagkakaiba lang ay nahuli ang mga salarin ng mga rumespondeng pulis sa insidente sa Barangay Quinabigan, Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Umuwi si Luz sa kanilang bahay, na siya ring opisina ng CCW, upang tugunan ang natanggap niyang text message mula sa nagpakilalang drug pusher na nasangkot daw sa patayan at hiningi ang kanyang tulong upang proteksyunan ang kanyang asawa at anak. Bilang opisyal ng CCW, namamahala siya ng programang pangkabuhayan para sa mga sumusukong gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga. Habang hinihintay niya sa labas ng bahay ang nagpadala ng mensahe, binaril siya ng isa sa dalawang nakasakay sa motorsiklo. Binaril din ng dalawa ang nahulog niyang telepono.

Inalerto ang mga pulis ng mga nakasaksi sa pamamaril at hinabol nila ang mga salarin. Nagkaroon ng engkuwentro nang masukol ang dalawa. Nang bumagsak sila ay sumigaw ng “tropa, tropa!”. Nagulat ang mga rumespondeng pulis nang malaman nilang ang nabaril nila ay kanilang mga mataas na opisyal. Sila ay sina Senior Insp. Magdaleno Pimentel, Jr. at Insp. Markson Almeranz. Nang barilin nila si Luz, si Pimentel, na nakasuot ng mask, ang nagmaneho ng motorsiklo, samantalang si Almeranz, na nakasuot ng wig, ay siyang nakaangkas. Pinarangalan pa si Almeranz, isang buwan ang nakakaraan, bilang outstanding police commissioned officer ni PNP Director General Ronald dela Rosa sa seremonyang ginanap sa Calapan.

Dahil ang pagpatay ang naging paraan ng gobyerno sa pagsugpo ng krimen at ilegal na droga, sinasakyan na ito ng iba para sa kanilang pansariling layunin. Ganito rin ang lumabas sa imbestigasyon sa pagpaslang sa isang OFW sa Cavite na mangingibang bansa na sana nang dakpin ng mga pulis na nagsagawa ng checkpoint sa kanyang daraanan. Hinuli nila ito, pero bangkay na siya nang makita ng kanyang kapamilya makalipas ang ilang araw. Ang pulis na kasama sa humuli sa kanya ay live-in partner pala ng dati niyang nobya.

Hindi magtatagal magiging industriya na ang pagpatay. Napakadali kasi ng mga paraan para pumatay at gawin itong negosyo. Checkpoint, riding-in-tandem, pagsisilbi ng arrest warrant at tokhang ay mga instrumentong magagamit ng kahit sino, lalo na ang mga pulis, para patayin ang kanyang kapwa para sila’y kumita. Ang gusto magpapatay ay hindi na hahanap pa ng mababayaran para gawin ang kanyang layunin. (Ric Valmonte)