Binatikos kahapon ni Senator Antonio F. Trillanes IV si Sen. Richard J. Gordon, chairman ng Senate justice and human rights committee, dahil sa “cover up” umano nito kay Pangulong Duterte na abala ngayon sa pagdedepensa sa kanyang sarili laban sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Ito ang reaksiyon ni Trillanes makaraang tapusin na ni Gordon nitong Huwebes ng gabi ang imbestigasyon ng komite sa umano’y mga summary execution o extrajudicial killing ng mga sangkot sa droga, at inabswelto si Pangulong Duterte sa mga nabanggit na krimen, na sa kabuuan ay nasa 3,000 na ang naitalang napaslang.

“He can go on a monologue again to try to justify his actions but he won’t be able to convince the people who witnessed what transpired during the hearings. Eventually the truth will come out and when that day comes, Senator Gordon should be remembered as one of those who tried to cover it up,’’ saad sa text message ni Trillanes sa mga mamamahayag.

Makaraang tapusin nitong Huwebes ang pagdinig ng komite sa imbestigasyong sinimulan ni Sen. Leila de Lima—na kalaunan ay pinatalsik bilang committee chairperson dahil umano sa pagiging biased—sinabi ni Gordon na wala siyang nakikitang indikasyon na sangkot ang Presidente sa pagpatay umano sa 1,000 katao noong ito pa ang alkalde ng Davao City mula 1988 hanggang 2013, at sa iba pang pamamaslang nang maluklok na itong pangulo noong Hulyo 1.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, sinabi ni Sen. Panfilo M. Lacson, na nakibahagi ang sariling Senate public order and dangerous drugs committee sa komite ni Gordon, na maaaring buksang muli ang imbestigasyon kung may makapagpapatunay sa alegasyon ng pangunahing testigo ni De Lima na si Edgar Matobato, 57, na nagsabing pumatay ito ng nasa 50 katao, sa utos umano ni Duterte, bilang miyembro ng Davao Death Squad.

Sinabi naman ni Gordon na ilalabas na ng kanyang komite sa Lunes ang report nito tungkol sa usapin.

KONTRA SA TORTURE

Samantala, sa kanyang talumpati sa Philippine Business Conference nitong Huwebes ng gabi, iginiit ni Duterte na mariin niyang tinututulan ang anumang uri ng torture sa mga drug suspect, ngunit nagbigay ng hindi magandang payo kung paano papatayin ang mga ito.

“If you want to kill the guy, fire a single shot, make your choice, head or heart. And maybe if you are still mad at him, his balls. Then tama na. Leave it that way,” sabi ng Pangulo, na sinundan ng paglilinaw na hindi niya inutusan ang pulisya na magsagawa ng summary executions sa mga sangkot sa droga, gaya ng matagal nang ibinibintang sa kanya.

(Dagdag ulat ni Genalyn D. Kabiling) (MARIO B. CASAYURAN)