KUNG isasaalang-alang na ang Kongreso ay binubuo ng matatalino, kagalang-galang at sibilisadong mambabatas, tilad mahirap paniwalaan na ang bulwagan na ito ay nagiging eksena ng pagbabangayan na humahantong sa hindi kanais-nais na pangyayari. Nagkatotoo ito kamakalawa nang kamuntik nang magsuntukan ang dalawang Kongresista sa kasagsagan ng pagtatatalo sa Cha-Cha hearing o pagsusog sa Konstitusyon na isinasagawa sa Kamara.

Sina Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Barbers at Surigao del Sur 1st district Rep. Prospero Pichay ay nagkainitan habang hinihimay ang masasalimuot na isyu sa pagbabago ng Saligang Batas; naghari ang tensiyon sa bulwagan at humantong ang pagtatalo ng dalawang Kongresista sa pagmumurahan. Narinig sa himpapawid ang diretsong pagmumurahan at natunghayan sa mga pahayagan ang kanilang pagmumura na tulad na malimit nating marinig kay Pangulong Rodrigo Duterte. Dangan nga lamang at hindi umano literal o letra por letra ang pagmumura ng Pangulo; kung minsan ay may kaakibat pang paghingi ng paumanhin.

Walang may monopolyo sa pagpapamalas ng magaspang na asal sa pagpupulong ng mga mambabatas. Sa mga pagdinig sa Senado, halimbawa, sumisiklab din ang mga pagtatalo na tinatampukan ng mistulang pagbabangayan ng mga Senador. Hindi malilimutan ng sambayanan ang pagpatay ni Sen. Antonio Trillanes sa mikropono ni Sen. Alan Peter Cayetano sa kainitan ng diskusyon sa pagdinig ng extrajudicial killings (EJK). Mabuti naman at sila ay nagkaintindihan. All is well that ends well, sabi nga ng Kano.

Ang Senado ay minsan ding naging eksena ng kawalan ng urbanidad ng ilang mambabatas. Sa pagdinig sa sinasabing mga kasong katiwalian na ibinibintang kay dating Vice President Jejomar Binay, ang mga testigo o resource persons ay halos mamatay sa kahihiyan, wika nga, kapag dinuduro (bully) ng mga Senador; halos bulyawan at tinatakot na ipaaaresto kapag hindi nagustuhan ang kanilang mga sagot sa tanong. Ang gayong asal ng ilang senador ay nagpapababa sa imahe ng Kongreso.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung tutuusin, maliit na bagay ang kagaspangang ipinamamalas ng ilan nating senador at kongresista kung ihahambing sa mga mambabatas sa Taiwan. May pagkakataon na ang ilang Chinese-Taipei legislators ay halos magpaluan ng silya dahil sa pagtatalo sa mga isyu na tinatalakay nila; naghahabulan sa session hall at nagdadambahan sa mga lamesa. Maaaring mayroon ding ganitong nakadidismayang eksena na nagaganap sa ibang bansa.

Nais kong bigyang-diin na higit na nakararaming senador at kongresista ng ating Kongreso ang tunay na ‘honorable men’ at may maningning na pag-uugali at katalinuhan; at walang bahid ng pakikipagbangayan sa session hall.