Tinambangan at pinagbabaril ng apat na lalaki ang isang barangay chairman na naglalakad pauwi sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) chief Police Sr. Insp. Rommel Anicete ang biktima na si Barangay Chairman Rico Echalos, 47, ng Barangay 296, Zone 28, District 3, at residente ng 901 Masangkay Street, Binondo, Maynila.
Mabilis namang nagsitakas ang apat na suspek, pawang mga nakasuot ng helmet at bonnet at lulan sa dalawang motorsiklo, nang matiyak na patay na ang kanilang target.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Charles John Duran, may hawak ng kaso, nangyari ang krimen habang naglalakad ang biktima sa Gandara St., kanto ng Ongpin St., Binondo, dakong 9:00 ng gabi.
Ayon kay Duran, kagagaling lamang ng biktima sa Gandara Police Community Precinct (PCP) upang tulungan ang isang constituent na inaresto dahil sa kasong estafa at pauwi na sana nang tambangan at pagbabarilin ng mga suspek.
Isinugod pa umano ang biktima sa Metropolitan Hospital ngunit nasawi rin. (Mary Ann Santiago)