Sinampahan ng hepe ng pulisya ng Albuera, Leyte si Senator Leila de Lima ng kaso sa Office of the Ombudsman dahil sa pagtanggap umano ng pera mula sa hinihinalang pangunahing drug lord sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa noong kalihim pa ito ng Department of Justice (DoJ).
Sinabi ni Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Albuera Police, na iniharap nila ang kaso sa tanggapan ng Ombudsman sa Eastern Visayas nitong Miyerkules ng hapon.
Kasama ni De Lima na inireklamo si Nelson Pepito, Jr., kagawad ng Barangay Benolho sa Albuera.
Batay sa charge sheet, tumanggap umano si De Lima ng payola mula kay Kerwin, anak ni Albuera Mayor Rolando Espinosa.
‘WEB OF LIES’
Mariin namang itinanggi kahapon ni De Lima ang akusasyon: “Hindi ko kilala ‘yang mga Espinosa na ‘yan. Kasama na naman ‘yan sa web of lies. Lahat na lang nagbibigay sa akin ng pera. Sobra-sobra na talaga eh. I don’t know the Espinosas.”
Gayunman, sinabi ng senadora na handa siyang harapin sa korte ang lahat ng akusasyon sa kanya.
“I have to face all of that. Whatever case they will file against me I will face them,” ani De Lima. “Kasi alam ko kung ano totoo. Wala akong kinalaman dyan. I will maintain my total innocence dyan sa accusation nila na tumatanggap ako diumano ng pera galing sa droga.”
Ito ang ikalawang kasong isinampa laban kay De Lima, na ang una ay inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa DoJ kaugnay ng umano’y milyun-milyong pisong tinanggap ng senadora mula sa mga nakapiit na drug lord para pondohan ang kanyang kandidatura sa halalan noong Mayo. (ROMMEL P. TABBAD, AARON B. RECUENCO at HANNAH L. TORREGOZA)