“UNANG- UNA walang umaaway sa iyo. As a matter of fact, ikaw ang nang-aaway. Kung makapagsalita ka parang superpower ang Pilipinas eh. At excuse me, ayaw naming magutom. Mag-isa ka lang, wag kang mandamay.”

“May kilala akong psychiatrist. Patingin ka. Hindi ka bipolar. You are a psychopath.”

Ito ang nilalaman ng Facebook post ni Agot Isidro na nag-viral noong Biyernes. Kaugnay ito ng banat ni Pangulong Digong sa Estados Unidos at sa European Union at hamuning putulin na ang assistance nila sa Pilipinas. Nag-ugat ang hamong ito ng Pangulo dahil nagbantang iaatras nila ang kanilang foreign aid dahil sa tumataas na bilang ng drug killing sa bansa.

Hindi mo aakalain na ang ganitong kabagsik na pananalita ay manggaling sa isang artistang tulad ni Agot Isidro. Ang alam natin ay may sarili silang daigdig na ginagalawan. Nakikita lang natin silang lumalabas sa kanilang mundo sa panahon ng kampanya karay-karay ng mga pulitiko para palakasin ang kanilang kandidatura. Maging si Pangulong Digong ay nabigla rin sa ginawang ito ni Isidro. Nasabi na lang niyang karapatan niya ito sa ilalim ng Saligang Batas.

Kasi, may mga nauna na kay Isidro, mga malaki at makapangyarihan pang tao, ang pumuna na sa Pangulo sa mga nangyayaring patayan kaugnay ng kanyang kampanya laban sa krimen at ilegal na droga. Ang inaabot nila sa kanya ay insulto at kahihiyan. Ang kasabay nga ni Isidro na nagsalita laban sa Pangulo ay si Bishop Fernando Capalla ng Davao.

Sinabihan niya ito na makinig naman sa sambayanan. Nababahala na raw siya sa kultura ng karahasang umiiral sa bansa.

Ang sagot ng Pangulo, sino raw ba itong si Capalla na nagsasalita ng ganito sa kanya? Noong alkalde raw siya ng Davao, alam niyang may mistress ito tulad niya. Nakatagpo ang Pangulo sa katauhan ni Isidro sa kanyang ginagawang paglalait sa mga pumupuna sa kanya. He got the dose... of his own medicine, ika nga.

Ang ginawa ni Isidro ay hindi lang yumanig sa daigdig na kanyang ginagalawan. Ginising niya ang mamamayan na kuntentong iniaasa ang kanilang kaligtasan sa kamay ng Pangulo.

Nagbigay naman siya ng lakas ng loob sa mga taong nababahala na sa nagaganap na araw-araw na patayan pero pinipili pa rin nilang manahimik sa takot sa Pangulo. (Ric Valmonte)